Pagbati para sa Manggagawa sa Komunikasyon ng Pilipinas (MKP)
Pagbati mula sa Partido Sosyalista
Malugod na binabati ng Partido Sosyalista ang mga kasapi ng MKP (Manggagawa sa Komunikasyon ng Pilipinas) at lahat ng manggagawang matagal nang nakikipaglaban para sa regularisasyon at makatarungang pagtrato sa loob ng PLDT.
Malinaw na itinatakda ng resolusyong inilabas ng Korte Suprema na ang mga manggagawa sa larangan ng Installation, Repair, at Cable Maintenance ay dapat ituring na regular na manggagawa ng PLDT. Ang pagwawaging ito ay bunga ng sama-samang pagkilos, masusing pag-oorganisa, at walang pagod na paglaban ng mga manggagawa. Bagama’t hindi pa ganap na naipapatupad, ipinapakita nitong kapag nagkakaisa ang uring manggagawa, may kakayahan itong magtagumpay laban sa mga makapangyarihang interes.
Isang karangalan para sa Partido Sosyalista ang aming pakikipagkaibigan sa MKP. Muli naming pinapaabot na maaasahan ng mga kasama ang aming suporta sa bawat hakbang ng laban.
Ang tagumpay ng MKP ay tagumpay ng lahat ng manggagawa at inaaping uri. Padayon, mga manggagawa sa komunikasyon!