Itigil ang Giyera sa Venezuela

Pinalala na ng kilalang otokratikong presidente ng Estados Unidos na si Donald Trump ang biglaang pakikidigma nito laban sa Republikong Bolivarian ng Venezuela. Walang bago sa layunin ng mga Amerikano: ang ipasailalim ang mga taga-Venezuela at ang mga lupain ito sa ilalim ng interes ng imperyo nito. Hindi lingid sa kaalaman ng marami kung gaano kalawak ang mga hydrocarbon fossil fuel reserves sa bansang ito sa Timog Amerika: Hawak ng Venezuela ang pinakamalaking kilalang reserba ng langis sa buong mundo. Ang sumpa ng yaman na ito ay itinali ang mga taga-Venezuela sa Amerika at sa interes ng mga ito sa langis, na nabasag lamang ng malawakang pagkilos ng Bolivarianismo. Sa pagkakawala nito sa gapos, idineklarang pariah ng maraming bansa sa West sa pamumuno ng Estados Unidos ang Republikong Bolivarian.

Sa nagdaang taon ng 2025, nagsimula ng biglaang giyera si Trump sa Venezuela sa pamamagitan ng mga gawa-gawang paratang ng pagkakaraon ng isang malawakang narcotics network na pinamumunuan at pinapangalagaan umano ng Republikong Bolivarian. Hindi bago sa mga Pilipino ang ganitong uri ng panloloko. Matagal na nag-imbento ng mga conspiracy ukol sa droga si dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanyang mga kalabang pulitikal at laban sa manggagawang uri ng bansang ito upang bigyang-katuwiran ang malawakang pagpatay at pagpapakulong sa kanila, habang nakasandal sa lakas na bigay ng parehong Estados Unidos at ng Republikang Bayan ng Tsina. Ang kahalayan ng karahasan ngayon sa Venezuela ay pareho ng pinagmumulan. Nito lang nakaraang taon, walang kahiya-hiyang pumatay ang mga sundalong Amerikano ng mga mangingisdang Venezuelano sa paratang na may kinalaman sila sa droga na wala namang patunay. Ngayon, habang umiigting ang pagsiyasat sa Epstein files, pinalala ni Trump ang opensiba nito sa Venezuela para makalusot sa mga pananagutan nito: binobomba ng mga Amerikano ang bansa, nagpapadala na ng mga sundalo sa lugar, at nagyayabang pang na-kidnap na ang presidente ng Venezuela na si Nicolas Maduro.

Sa pakikiisa namin sa lahat ng uring api sa lahat ng panig ng mundo, nananawagan ang Partido Sosyalista sa mga pinararangalang prinsipyo ng internasyonalismo, at dinideklara ang pagtutol namin sa giyera ng US sa Venezuela at sa pangunguna nito sa pagpapalit ng rehimen ng bansa.

Ano pa man ang ating personal na mga pagtingin sa aparatong pang-estado ng Venezuela, buo dapat ang pagtutol natin laban sa anumang pakikidigma ng mga bansa. Nananawagan tayo na “itigil ang giyera sa Venezuela”, gaya ng kung papaano natin ipinapanawagang “itigil ang digmaan sa Tsina”, maging gaano pa man kalala ang poot ng estado ng Republikang Bayan laban sa ating mga sariling kababayan, o kung papaanong ang “itigil ang digmaan sa Iraq” ay malawakang tinutututulan ang pananakop ng mga Amerikano sa Iraq, maging ano pa man ang naging antas ng pagiging brutal ng rehime ni Saddam Hussein.

Bilang mga sosyalista at bilang mga nakikiisa sa lahat ng mga naaaping tao sa lahat ng panig ng mundo—tayo, bilang mga Pilipino—ay may atas na tutulan ang makinaryang pandigma ng Estados Unidos dito, sapagkat sa mismong pananakop ng imperyong Amerikano sa buong mundo tayo magkakaroon ng kakayahang lumban rito sa mismong bayan natin. Ito ang prinsipyo ng pagdugtong ng pakikibaka ng Pilipinas at ng taumbayan ng Venezuela.

ITIGIL ANG GIYERA SA VENEZUELA!

Next
Next

No war on Venezuela!