PAHAYAG NG LAYUNIN

Kami ay grupo ng mga taong natagpuan ang isa't isa, sama-samang hinihimok ng umiigting na galit at lumalagong karimlan —ngunit gayundin ng kolektibong pag-asa at nagkakaisang tatag na sama-samang bumuo ng isang bagong mundo.

Nagmula kami sa iba't ibang mga karanasan, iba-iba ang mga pamumuhay. Marami sa amin ay mga empleyado, mga guro, makata, organisador, artista, doktor, estudyante, manunulat, propesyunal; ang iba ay nag-aalaga ng ibang tao na walang bayad. Ang ilan sa amin ay nabubuhay sa kakarampot na bayad o minsan nga'y talagang wala, habang ang iba naman ay mas malaki ang kinikita o mayroong mas higit pang yaman. Ang ilan sa amin ay babae, LGBTQIA+, o queer; ngunit marami, kung di man ang karamihan, sa amin ay cis-gender. Maraming nakababata; ngunit ang iba ay mas nakakatanda o nasa katamtamang-gulang. Marami sa amin ay mapuputi ang kutis, pinalaki sa siyudad, at nagsasalita ng Tagalog o Ingles nang may puntong taga-Maynila; ngunit ang ilan sa amin ay mas maitim ang kutis, nagmula sa kanayunan, at nangungusap sa paraang nagbubunyag ng aming mga pesanteng pinagmulan. Nagmula kami sa iba't ibang lugar at nagpapakilalang bahagi ng iba't ibang grupong etniko o nasyonalidad; ang ilan sa amin ay hindi nakikita ang aming mga sarili na kabilang sa anumang bansa. Mayroon sa aming mga relihiyoso, ang iba nama'y walang paniniwala o agnostiko. Marami sa amin ay may kakayahang pisikal; ang ilan sa amin ay may iba't ibang mga uri ng kapansanan. Marami sa amin ay bago lang sa pulitika; ang ilan nama’y matagal nang nakikilahok sa mga panlipunang pagkilos. Ang ilan sa amin ay higit na mas may pribilehiyo; ang iba naman ay nagdurusa mula sa iba't ibang anyo ng kawalang katarungan at opresyon.

Iba't iba ang mga aming karanasan—mayroon kaming iba't ibang sensibilidad, at hindi kami malaya sa mga hindi pagkakasundo. Gayunpaman, nagsama-sama kami, kumbinsido sa pangangailangang magtatag ng isang bagong sosyalistang partido at determinadong makibaka para sa isang bagong kabihasnan.

Sa dokumentong ito, ibinabahagi namin kung bakit kami naniniwalang kinakailangan ang ganitong klase ng partido; kung paano namin natatanaw na mag-ambag ang partidong ito sa pagbuo ng isang bagong mundo, kabilang nakung anong mga prinsipyo ang magsisilbing pundasyon nito. Ang unang seksyon ay tumatalakay sa kung saan kami nagmumula—ang mga problemang dinaranas natin, ang mga panganib na ating kinakaharap. Sa ikalawang seksyon, isinasalaysay namin kung bakit nasasadlak tayo sa ganitong mga kondisyon; inilalahad nito ang pag-unawa namin sa katangian ng lipunang Pilipino at ang mas malaking mundong kinapapalooban nito. Tinatalakay ng ikatlong seksyon ang mga balakid na kinakaharap ng mga umiiral na makakaliwang partido. Nakabalangkas naman sa ikaapat na seksyon ang aming stratehiya para sa pagbuo ng bagong mundong aming pinapangarap. Sa huling seksyon, inilalarawan namin ang partidong hinahangad naming itatag, tinatalakay ang mga prinsipyong dapat gumabay sa aming organisasyon, at ipinapaliwanag ang bagong kulturang pampulitikang sisikapin naming likhain.

I.

Hindi naging madali ang buhay para sa amin, gayundin sa milyun-milyong iba pa.

Buong buhay na nakikisapalaran para mabuhay ang mga kasapi naming ipinanganak sa mga pamilyang nagmula sa uring manggagawa. Ang mga kababaihan at LGBTQIA+ na kasama namin mas mas higit ang dinanas na hirap— pasan niyo ang mga gawaing di man lang binibigyang halaga o kinikilala bilang “trabaho”. Ang mga kasama naming may kapansanan, may edad na, mas maitim ang kutis, o may iba pang mga katangiang tinitignang hindi kaaya-aya ng lipunan ay patuloy na nabubuhay nang nilalabanan ang kahihiyan at diskriminasyon. Maging ang mga kasama naming lumaki nang mas may pribilehiyo ay nagdurusa rin, nakagapos sa mga gampanin at responsibilidad na dapat pangatawanan at pinipilit na pangatwiranan ang mga gawain o institusyong maging para sa amin mismo ay hindi katanggap-tanggap.

Ngunit ngayon, palala pa nang palala ang mga bagay.

Ang mga naipanalong pinaghirapan na makamtan na kahit papaano ay nakapagpagaan sa buhay ng karamihan sa amin—gaya ng pagkakaroon ng kasiguruhan sa trabahong regular, mabayaran nang higit pa sa minimum wage, o mabigyan man lang ng akses sa healthcare maski papaano—ay binabawi, kasabay ng mga reporma, habang ang mga limitadong serbisyong panlipunan ay patuloy na hinihigpitan o binabawasan. Ang mga impormal na manggagawa, kabilang na ang mga tinatawag na precariat, ay partikular na mas nahihirapan. Bagamat sila ang lumilikha ng malaking bahagi ng yaman, pinagkakaitan sila ng mga pangunahing benepisyo, nagtitiis sa kakarampot na kita, at pinagkakaitan pa ng kasiguruhan sa katungkulan o ng proteksyong panlipunan; at higit sa lahat, napipilitang magtatrabaho sa di-makataong kondisyon. Maging ang mga pormal o regular na manggagawa ay hindi rin napagbigyan: hindi sapat ang mga kita sa nangyayaring patuloy na pagtaas ng bilihin, at ang pangambang mawalan ng trabaho ay habambuhay na bumabagabag sa kanila.

Maging ang ilan sa amin na nasa gitnang uri ay hindi rin nakalusot. Ang mga karapatang dati ay binabalewala lang namin—gaya ng kakayahang bumili ng sariling bahay, magkaroon ng maayos na pangangalagang medikal, o magbakasyon—ay hindi na maaaring balewalain dahil maging ang aming mga trabaho ay wala na ring katiyakan. Patuloy na tinutulak ng mga higanteng korporasyon ang maliliit na negosyo sa pagka-bangkarote at dahi mas lalong ginigipitl ang mga pampublikong serbisyong napakikinabangan namin. 

Walang sinuman ang ligtas. Maging ang mga katutubo ay itinataboy paalis o kaya naman ay tinatanggalan ng kontrol sa lupain ng kanilang mga ninuno sa pangunguna ng mga dambuhalang korporasyong agribusiness at mga special economic zones; napipilitang mamuhay gaya ng mga namamalimos sa mismong hangganan ng mga lupaing binungkal nila nang maraming siglo; o kaya naman ay nagiging pulubi ang kalagayan sa mga kalsada sa siyudad. Sa kabilang banda, pinapalayas ang mga iskwater sa siyudad sa kanilang mga barung-barong upang magbigay daan sa mga kadalasa'y walang laman na mga maluluhong mga kondominyum na pag-aari ng mga real estate developers at mga speculators. Ang mga pesante rin ay dinudurog sa bigat ng nagpatong-patong na utang habang nabibigo na makipagkompetensiya sa mura, at sobrang subsidiyadong mga bilihin mula sa ibang bansa. Marami sa mga kabataan ang hirap na rin makapag-aral. Iyong mga may kakayanang mag-aral naman ay hinuhulma na maging mga maaamong bayarang manggagawa imbis na magkaroon ng ganap na katauhan, mulat sa isang kapaligirang may pagbabaluktot ng kasaysayan, ang kalayaang akademiko ay ginigipit, laganap ang red-tagging, at ang mga otoritaryong pamamaraan ng pagtuturo ay nangingibabaw. Dahil sa kakulangan ng mas magandang mga pagpipilian sa bansa, ang mga manggagawang migrante ay napipilitang mas magtagal sa abroad. Maraming OFW ang tumatandang nag-aalaga ng anak o kamag-anak ng iba habang sila nama’y hindi man lang nayayakap ang sariling pamilya .

Mas matinding tinatamaan sa amin ang mga kababaihan at mga kapatid nating Queer, gayundin ang iba pang mga aping pangkat na matagal nang napipilitang magtrabaho nang walang bayad sa kani-kanilang mga tahanan. Ang kanilang karanasan bilang mga babae at mgaqueer ay hindi lamang sila nakikisalo sa pagdurusang nararanasan ng lahat o ng iba pang mga sektor, sila ay nakararanas din ng mga natatanging anyo ng karahasan, diskriminasyon, at pananamantala.

Para sa karamihan ng ating mga karaniwang manggagawa at mga kabilang sa mga aping pangkat, naging mas mahirap mabuhay at naging mas mahirap pang maghangad nang kaligayahan at pandayin ang isang kasiya-siyang buhay.

Sa kabila ng patuloy na paglaki ng pandaigigang yaman at pagiging produktibo nito, napakarami sa amin—hindi lang ang mga mahihirap, pati na rin ang mga akala nami'y nasa mas maayos na mga kalagayan—ay unti-unting namamatay, napipilitang gugulin ang kabuuan ng aming mga buhay nang hindi nauusisa, natutuklasan, at naisasakatuparan ang aming mga potensiyal bilang tunay at ganap na mga indibidwal. Tila ba humihinga ngunit hindi buhay.

At hindi lang kami ang nakakaranas nito.

Sa kabila ng paulit-ulit na mga panawagan at napakahabang panahon ng ng pagpoprotesta ng mga environmental groups, ang pagyurak sa buong kalikasan ay patuloy na lumalala. Ang ating mundo ay mabilis na nasusunog at namamatay. Sa paglala ng mga tagtuyot, ng mas lumalalang pamiminsala ng mga bagyo, pagkaubos ng mga mapagkukunan ng pagkain, at pagdalas ng mga minsang tinuring na "malalalang" mga lagay ng panahon ay mas nagiging karaniwan—iyong mga endangered species ay unti-unti nang nakakaranas ng pagkalipol.

Maaring ang apokalipsis ay "parating" pa lamang para doon sa mga naninirahan sa mas malalaki, at mas matibay na mga bahay o sa mga may kayang sumabay sa pagbabago ng klima. Ngunit para sa marami, tunay na nagaganap at nararanasan na ito sa kasalukuyan. Ang pinagkukunan natin ng buhay—ang daigdig na nakapaligid sa atin at ng mga manggagawang lumilikha ng lahat ng yaman ay tuloy-tuloy na ipinagwawalang-bahala at sinisira.

Gayunpaman, sa kabila ng malubhang bigat ng krisis na ating kinakaharap, walang kakayahang mag-alok sa atin ng solusyon ang mga nasa kapangyarihan. 

Halal ng bulok na sistemang demokratiko, ang mga tinatawag nating mga "leader", ay patuloy na nangingitlog habang nalulusaw ang mundo. Natutulog sa pansitan ang mga nasa tuktok na 1%; ang mga ahente nila sa pamahalaan ay naroon lamang upang sundin ang mga gusto nila habang pumuposisyong kumikilos para sa ikabubuti ng nakararami.

Nagkakagulo ang iba’t ibang klase ng mga liberal. Marami sa kanila ang nakakakilala sa laki ng panganib, ngunit may hangganan ang kanilang pagtanaw sa mga ugat ng problema. Sa pagtuon lamang sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga subordinado sa halip na ganap na pag-alis ang mga ugnayan ng subordinasyon sa lipunan, umiiwas sila sa pakikipaglaban para sa tunay at pangmatagalang solusyon sa mga problema. Dahil mas pinipili pa nilang ipaglaban ang kanilang kapangyarihang pang-ekonomiya imbes na ang kanilang kapangyarihang pampulitika, binigyang daan nila nang hindi sinsasadya ang paglakas atg pagiging kaakit-akit ng pasismo.

Dumadami ang mga pasista, ng sakay at nilagay sa poder ng daluyong ng pagkadismaya at hinanakit laban sa dating nangingibabaw na mga establisimiyentonggawa ng mga liberal. Determinadong mapanatili ang kasalukuyang mga relasyon sa pamamagitan ng mas malupit at despotikong paraan, hinihikayat nila ang mga tao na ibuntong ang kanilang galit laban sa mga taga-labas at minorya, at na magtulak ng maling mga solusyon sa ating malalalim na mga problema. Sa halip na iligtas tayo sa kapahamakan, dinadala pa nila tayo sa daan patungo sa barbarismo.

Sa kabila ng lahat ng ito, pinakanakakabagabag na tila pilay rin, kung hindi man paralisado ang kaliwa—ang tanging puwersang may lakas ng loob na magtulak para sa isang solusyong sistematiko para sa ating mga problemang eksistensiyal. Dahil sa pagkakasailalim sa lumalalang panunupil, sa bigat ng dinadala dulot ng matagal nang alitan sa kani-kanilang mga sarili, sa pagpigil ng kaunlaran dahil sa sektaryanismo, at sa pagkakakulong sa analisis na di na angkop sa panahon, maraming mga pormasyon sa kaliwa ang hindi makapagbigay ng pamumunong higit na kinakailangan ngayon upang maiwasan natin ang ganap na pagkalipol at likhain ang isang bagong siblisasyon.

II.

Bilang mga taong nagsama-sama na may iba’t ibang karanasan at pananaw sa buhay, iba't iba rin ang pagtingin namin sa maraming mga tanong.

Subalit, nagkakasundo kaming lahat kung saan dapat magsimula ang kaliwa: dapat makita namin ang aming mga sarili dito dahil lahat kami ay hindi makapamuhay nang maayos at humaharap sa banta ng tuluyang pagkalipol, na nakaugat sa uri ng lipunan na aming kinatatayuan.

Sa paglipas ng mga taon, masidhi ang pagbabagong naganap sa ating bansa. Hindi na ito pyudal na lipunan o atrasadong kapitalistang lipunan. Malaking bahagi nito’y naging isang kapitalistang lipunan na nakaugat sa kapitalistang ekonomiyang pandaigdig.

Ang mga bakas ng pyudalismo ay mas lalong humina sa loob ng mga taon. Anumang mga natitirang labi ng sistema bago pa ang kapitalismo, pati na rin ang mga iba rito, ay nakadirekta na sa kapitalismong ayos. Kaya naman, ang mga salitang “atrasado” at “di umuunlad” ay hindi na nailalarawan ang mukha ng kapitalismong lumago sa bansa.

Kahit na masasabing matingkad ang pagkakaiba ng katangian nito  mula sa mga bansang gaya ng United Kingdom, Estados Unidos at Pransiya (ibig sabihin, nanananatiling malalim ang mga bakas ng mga pamamaraang nagmula pa bago magkaroon ng kapitalismo, ang industriyalisasyon ay nanatiling limitado, ang sektor pang-agrikultura ay humina na ngunit nananatilng mahalaga, atbp.), ang mga katangiang ito ay hindi agad-agad na nangangahulugang hindi na kapitalista ang lipunan—bagkus na naging ibang uri lamang ito ng kapitalismo.

Dito, gaya na rin ng sa ibang mga lipunang kapitalista, may maliit na minorya na nagmay-ari at kumontrol ng karamihan ng mga lupain, kapital, at iba pang mga bagay na kailangan ng mga tao upang mabuhay. Ngunit, ang karamihan ay tinanggalan ng lahat ng bagay maliban sa kanilang mga sariling katawan at lakas-paggawa o kapasidad na magtrabaho. Mas nangingibabaw ang paggamit ng produksyon para sa pagpapalitan kaysa sa sariling pangangailangan. Kung walang paraang makuha ang mga tao para sa paggawa ng produksyon, napipilitang ibenta ng halos lahat ng tao ang kanilang lakas-paggawa bilang commodity. Higit pa rito, gaya ng sa mga mas mauunlad na mga ekonomiya, mas lalong lumalalim ang pag-uugat at mas nagiging mahirap alisin ang pangingibabaw ng finance capital.

Sa sektor ng pang-agraryo, maraming mga pesante ang napilitang magtrabaho nang seasonal na nakabalangkas pa rin sa kapitalistang labor market habang inaalagan pa rin ang mga lupain nila. May mga pagkakataon din na iniiwanan na ng mga pesante nang tuluyan ang kanilang pananim upang maging regular na trabahador sa kanilang sariling sektor, pang-serbisyo o di kaya nama’yindustriyal. Ang pangakong makabuluhang repormang pang-agraryo bilang solusyon sa kawalan ng lupa ng mga pesante ay naanod na ng daloy ng mga pampalubag-loob na mga batas, isang walang silbing burukrasya, pang-aagaw ng lupa ng mga korporasyon, at malupit na pagpipigil ng mga burgis na may lupa, na nagdudulot ng mas malalang pangmamaliit sa mga pesante o pagpapabilis ng kanilang proletariyanisasyon.

Kasunod nito, sa lipunang ito at gaya nang sa iba pang mga lipunang kapitalista, halos lahat ay nakadepende sa merkado para mabuhay.

Totoong namang pursigido ang mga kapitalista, kung gugustuhin nilang matagalan ang kompetisyon, na magkamal ng pinakamalaking pwedeng kitain mula sa merkado—na pagtrabahuhin ang kanilang manggagawa nang mas matindi at nang mas matagal para sa di-nagbabagong kita (o minsang nga'y mas maliit pa), para gumamit nang higit pang mga hilaw na materyales at ng mga pinakamurang pagkukunan ng enerhiya. Maging ang mga mas maliliit na mga kapitalista ay nagigipit ding pagsamamtalahan ang mga empleyado nila upang manatiling buhay at maiwasang lamunin ng mga malalaking korporasyon. Malaki man o maliit, ang mga burgis mismo ay napipigilan ng sistema na pahupain o tapusin ang pananamantala.

Sa pagkakataboy mula sa mga lupa, ang mga manggagawa ay walang ibang magawa kundi umasa sa merkado upang ibenta ang kanilang lakas-paggawa at sumang-ayon sa kagustuhanng mga kapitalista na magtrabaho sila nang mas masipag o nang mas matagal dahil sa pangamba na magutom o mawalan ng tirahan. Maging ang mga pesante na may kakayahang magpanatili ng kakaunting karapatan sa lupa, ngayon ay napipilitan na ring ibenta ang kanilang mga ani sa merkado upang mabayaran ang kanilang mga utang, katagpuin ang lumolobong halaga ng produksyon, at siguruhing mayroon silang makakain.

Marami rin sa mga kapitalista, ay mga malalaki ring may-ari ng lupa na pinapatakbo ang mga ari-arian nila gaya nang isang lupaing piyudal, pinananatili ang ugnayang patron at kliyente sa kanilang mga tauhan at manggagawa, at gamitin ang kanilang pulitikal na lakas upang maghari para sa kanilang pagkamal ng katakot-takot na tubo. Marami rin sa ating mga opisyal ng estado ay mga kapitalista na rin mismo o may mga interes sa negosyo–maging iyong mga pulitiko o burukratang hindi direkta ang ugnayansa merkado ay napipilitan ding unahin o kaya naman ay pumanig sa interes ng mga kapitalista dahil magkakaugnay ang sarili nilang mga kayamanan o ari-arian sa mga ito.

Ang kahihitnan nito ay patuloy na pagtaas ng produksyon at paglobo ng kapital na pinakkikinabangan lang ng maliit na bahagi ng populasyon, kasunod nito ang lumalalim na di pagkakapantay-pantay at lumalalang kahirapan na tinitiis ng karamihang populasyon: milyun-milyong tao ang walang tirahan, namumuhay sa di-makataong kalagayan; habang libu-libong mga bahay ay nananatiling walang laman; tone-toneladang pagkain ang itinatapon habang marami ang nagugutom; napakaraming puwedeng gawin upang pagandahin ang buhay ng mga tao ngunit milyon-milyon ang nananatiling walang trabaho.

Bukod pa rito, ang resultang ito ay dulot na rin ng walang habas na pagwasak sa kalikasan at pagyurak sa mga manggagawa.

Dahil nga nakadepende ang karamihan ng mga manggagawa sa pagbebenta lamang ng kanilang lakas-paggawa, napipilitan silang sumunod sa awtoridad ng kanilang mga amo sa trabaho, Mula rito, marami sa kanila ay walang trabaho o hindi nama’y walang tigil sa  pagtatrabaho, na hindi naman nila pinili sa simula pa lamang. Ang iba naman ay patuloy na nakagapos sa mga gawaing domestik na madalas hindi kinikilala o mababa ang pagtingin sa ganitong trabaho. Maging ang kalikasan din na may sariling buhay at dignidad, ay patuloy na winawasak at tinatanggalan ng halaga, dahil para sa mga kapitalista, ito ay isa lamang pinagkukunan ng hilaw na materyales para sa kanilang sobra-sobrang produksyon o hindi kaya’y tapunan ng sarili ng kanilang tone-toneladang basura.

Ngunit hindi lang rito natatapos ang lahat. Ang Pilipinas ay di lang naging isang kapitalistang lipunan na makikilala sa pagiging gipit nito sa tagisan ng interes sa pagitan ng mga manggagawa't kapitalista, naging lipunan din ito kung saan ang sexism, racism o ethnic-chauvinism, ableism, ageism, anthropocentrism, carcerality, at iba pang mga ugnayan o uri ng pang-aapi ay mas lalong lumalalim.

Bagama't posibleng umiiral na ang mga ito bago pa man magkaroon ng kapitalismo, ang mga sari-saring uri ng subordinasyong ito ay pinapalakas ng kapitalismo, sinasadyang mas pahirapin o mahirap baklasin,ginagawang mas magtagal pa sa inaakalang itatagal nito.

Kaya naman, ang pang-aapi sa kababaihan ay mahalaga sa mga  kapitalista; binibigyan sila nito ng kakayahan na ipasa ang halaga ng gawaing reproduktibo sa mga hinahamak na grupo. Dahil dito, ang mga kapitalista ay napipigilang ganap nang wakasan ang pag-aalis ng kapangyarihan ng mga kababaihan o mga taong Queer. Ang mga malalaking employer ay nakikinabang sa pananatiling mababa ng kita ng mga probinsyano at mga mababang-uri sa lungsod, mga Moro, katutubo, mga may kapansanan, mga may katandaan, sa mga nakabilanggo, atbp. Dahil dito, kakarampot ang ginagawa ng mga employer sa kabila ng malawak nilang kapangyarihang buwagin ang mga kasanayan o gawin na racist, chauvinist, ableist, ageist, o carceral sa sistemang ito. Ang mas malala pa, marami ang aktibong nagsusulong ng mga atrasadong paniniwalang ito.

Dahil dito, hindi lang isang uri ng subordinasyon ang nararanasan ng mga manggagawamay mga grupo na nakakaranas ng iba’t ibang uri ng pang-aapi at magkakaugnay na mga uri ng pang-aalipusta o di-makatarungang turing sa kanila: ang mga kababaihan, mga Queer, mga may maitim ang balat, mga katutubo, mga may edad na, mga nasa bilangguan, at ibang mga grupong ay nagtitiis at nagdurusa mula sa mga partikular na uri ng karahasan.

Itong iba’t ibang uri ng pang-aalipusta ay pinahintulutan ng mas komplikadong instrumento ng paghahari sa ating bansa, na pinanatili at pinapalaganap pa ng mga kapitalista at iba pang uri ng dominanteng grupo na nakalagi sa loob at labas ng bansa sa loob ng maraming taon.

Mga armado, pinondohan, o silang may suporta ng kanilang mga imperyalistang patron o katuwang, ang iba't ibang pangkat ng mga naghaharing uri sa bansa ay nagwagi sa makasaysayang pagbuwag sa isang lumang sistema—isang katulad ng mga konserbatibong rebolusyong “mula sa itaas” sa kwento ng ibang mga bansa. Hindi tulad ng burgesya sa France, nakipagkasundo sa lumang kaayusan ang mga naghaharing uri habang itinatatag ang bagong kapitalistang sistema  sa pamamagitan ng pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga nakabababang-uri tungo sa limitadong adhikang pagbabago.

Sa paggawa nito, ang mga elite ng bansa, bukod sa nakalikha sila ng isang bagong uri ng ekonomiya, ay nakapagtatag din ng isang bagong uri ng estado sa bansa: isang estadong kinabibilangan hindi lamang ng pulisya, o ng militar, o ng mga karaniwang kasangkapan ng panunupil, kundi pati na rin ng mga pribadong organisasyon, mga institusyon ng lipunang sibil kabilang na ang mga paaralan, akademya, media, mga samahan ng mga boluntaryo, maging ang mga pook-paggawa—lahat ito gumagana upang organisahin o palakasin ang pagbibigay ng pahintulot, o pagdidisiplina sa malaking populasyon, bagama’t bahagya, ikinikintal nito sa mga tao ng ang  paniniwala o disposisyon na walang ibang mundong posible, na walang ibang paraang organisahin ang lipunan maliban sa kapitalismo.

Ngunit kahit gaano man ito naging kalakas, ang ganitong uri ng estado ay nananatiling mahina at puno ng mga kontradiksyon, salamat sa patuloy na tunggalian sa pagitan mismo ng mga elite. Pinamumunuan ang ating bansa ng hindi mabilang na dinastiyang pulitikal at mga pamilyang nagmamay-ari ng sandamukal na ari-arian mula sa iba't ibang seksyon ng burgesya. Bagama't napatunayang may kakayahan silang magsama-sama upang patuloy na isadlak sa hirap ang mga api, gayunpaman, silang mga naghaharing uri sa bansa ay patuloy na nakikipagbanggaan sa isa't isa; lahat sila ay nag-uunahang makapagkamal ng malaki mula sa mga samsam at bawat isa ay nagnanasang mapasakanila ang estado at gawin itong instrumento upang protektahan at isulong ang kanilang mga pansariling interes.

Dahil sa kawalang kakayahang pag-isahin ang kanilang sariling hanay, may hangganan ang kakayahan ng mga elite sa ating bansa na hamigin ang mga api sa panig nila. Nakatuon sila sa pagsusulong ng pansariling interes at ng kanilang mga pamilya, wala sa kanilang prayoridad ang pagtupad sa kanilang pangako na isulong ang interes ng lahat. Bagama't nagbigay sila ng mga konsesyon sa mga nakalipas na dekada na sasapat upang pansamatalang patahimikin silang mga nasa ibaba, hanggang doon na lamang iyon at hindi na sila nagbigay nang higit pa—sa katunayan, binabawi nila ang marami sa mga napilitan silang tanggapin noon.

Ngunit ang nangyari, ang kawalan ng kasiyahan ng mga naaapi sa ganitong kundisyon ay lalo pang umiigting. Matagal nang naghihikahos o namumuhay nang walang katiyakan, parami nang parami ang mga taong kinikilala ang lamat sa tinatawag nating "demokrasya"—kung saan ang lahat ay may karapatang bumoto ngunit ang mga pagpipilian ay limitado lamang sa mga paksyon mula sa parehong naghaharing elite na uri at kung saan may iilang mga protektado at mga hindi mapananagot na minorya lamang ang may huling salita. Pinagkaitan hindi lamang ng yaman ngunit pati na rin ng pag-asa, parami nang parami ang naghahangad ng alternatibo, na siyang nagbubukas ng posibildad para sa radikal na pagbabago.

Kung natutupad man o hindi ang gayong posibilidad ay nakasalalay sa mga pagpili at pagkilos ng isang puwersang politikal: ang kaliwa.

Sa kasamaang palad, ang mismong puwersang ito ay nasa mahirap na kalagayan ngayon.

III.

Sa malaking bahagi ng nakalipas na siglo, tuloy-tuloy ang magiting na pakikibaka ng mga sosyalista sa Pilipinas laban sa mga puwersang mapang-api sa ating bansa.

Simula pa sa pagkakatatag noong mga unang makakaliwang organisasyon sa simula ng ika-20 siglo, libo-libo nang mga aktibista ang nag-alay ng buhay nila upang organisahin ang mga manggagawa, pesante, at iba pang mga naaaping grupo upang labanan ang pananamantala at dominasyon, sa kabila ng pagharap ng matinding represyon ng estado. Maraming namatay nang lumalaban; napakaraming di matatawaran ang inialay para sa kilusan.

Marami-rami rin ang mga napagtagumpayan: may mga napanalunang mahahalagang konsesyon, ang espasyo para sa pag-oorganisa ay nabuksan at ang mga progresibong prinsipyo, at malayo ang naabot ng mga ideya. Bagamat nananatili pa rin ang mga maling paniniwala tungkol sa kaliwa, ang mga sosyalista at mga mala-sosyalistang ideya ay naging bahagi na ng kamalayan ng pangkaraniwang tao. Marahil higit na mahalaga rito, ang pag-asa ng mas magandang bukas at ang paninindigan na ang isang sosyalistang lipunan ay posible ay hindi tuluyang naalis sa mga tinanggalan ng lakas.

Ngunit sa kasalukuyan, tila upos at paralisado ang Pilipinong makakaliwa.

Habang napapasailalim hindi lang sa mas matinding panunupil kundi pilay rin dahil sa sari-saring klase ng alitan sa hanay nila, ang mga progresibong puwersa sa bansa ay kasalukyang bigo kumuha ng tamang tiyempo at baguhin ang takbo ng kasaysayan tungo sa daang mas radikal at mas nakakapagpabago ng sistema.

Ang mga pinagmulan ng paghina at paralisis na ito ay nangangailangan ng higit pang masusing pagninilay-nilay. Siguradong bahagi ng dahilan ay may kinalaman sa karahasan na pinakawalan ng estado sa mga puwersang progresibo—kasama na ang malawakang paninira at pagmumukhang kaaway sa kaliwa at sa mga ideyang makakaliwa na naitanim na sa kamalayan ng publiko. Isa pang maaaring bahagi ng rason ay marahil may kinalaman sa pagpapalit ng ayos ng industriya, ang paglilipat ng pagyayari sa ibang bansa, at iba pang mga pagbabago na lahat ay nagkaroon ng epekto sa pagkakagulo ng mga pangunahing baseng panlipunan ng kaliwa nitong mga nakaraang dekada.

Ngunit bahagi ng dahilan ay maaaring may kinalaman din sa isang bagay na mas internal at subhektibo: nanatiling sarado sa mga makabagong pagsusuri ng lipunan ng Pilipinas at ng pandaigdigang ekonomiya ang maraming mga sosyalista sa bansa, ayaw magsagawa ng kritikal na pagsusuri ng mga napapanahong pag-unlad at itapon ang mga hinuhang hindi na angkop sa umiiral na kalagayan.

Bilang panimula, marami sa kaliwa ang tila nakatali sa pagpapalagay na pinapaliit ang imahe ng imperyalismo doon sa kagaya ng umiral noon at inihahalintulad ang kapitalismo sa atin sa kapitalismo ng Inglatera, Estados Unidos, o ng iba pang mga pioneer. Sa pagtutuos ng mga kasulukuyang katotohanan gamit ang mga lenteng ito, pilit silang nananatili sa pagtingin sa lipunang Pilipino bilang isang atrasadong kapitalistang lipunan o isang semi-piyudal na lipunan pa nga sa kabuuan nito, na ang nagiging dulot ay ang pagiging bulag sa mga paraan kung papaano ang umunlad ang imperyalismo at ang lahat ng mga paraan kung saan ang kapitalismo ay naging kakaiba at "historically contingent" ang anyo sa mga nakaraang dekada.

Pangalawa, ang pananaw na liniyar at stagist ng pagbabago sa kasaysayan ay laganap pa rin sa halos kabuuan ng kaliwa: Marami pa ring pinanghahawakan ang pananaw na para maging kapitalista ang lipunang Pilipino (at sa gayon ay maging sosyalista), una muna dapat itong magdaan sa mga pinagdaanan ng mga kapitalistang lipunan, i.e. dapat munang magkaroon ng "bourgeois democratic" na rebolusyon kagaya ng inilunsad sa Pransiya.

Ngunit sa ganitong paraan, iyong mga pinipili ang ganitong pananaw ay nawawalan ng pagtingin sa mga paraan kung papaanong nakakaranas ng tunay na naiibang mga anyo ng rebolusyon ang maraming lipunan, at dumaranas ng higit na mas komplikado at mas bagong mga daan patungong modernidad o ang tinatawag na pag-unlad; binubuksan ang mga makasaysayang posibilidad sa bawat paggalaw na tunay namang naiiba. Dagdag pa rito, tuluyan nilang tinatanggalan ng pananagutan ang lokal na kapitalistang uri sa nakakapanlumong lagay ng bansa, nagbubulag-bulagan sa matagal nang pakikipag-ulayaw ng mga ito sa imperyalismo, at pamaling kinakategoriya sila bilang isang "pambansang burgesya". Tumatanggi silang makita ang mga nangingibabaw na mga seksyon ng uring ito bilang uring nagkamit na ng kasarinlan sa pakikinabang sa mga bunga ng pananamantala sa manggagawang uri at sa kalikasan.

Ikatlo, maraming mga sosyalista ang nananatiling nakatutok lamang sa ekonomiya kaysa sa kabuuan ng lipunan pagdating sa pagsusuri ng mga umiiral na kalagayan. Ang madalas na pagkukulang ay ang sentralidad at ang kaugnay na awtonomiya ng estado at ng lipunang sibil—at sa kinalauna'y ng pulitika at kultura na rin—sa kanilang pagtatasa ng lipunang Pilipino.

Dahil sa determinismong ekonomikal o “economic determinist” na pagtingin, madalas  hindi na napapansin ng marami na gumagamit ng pananaw na ito ang sari-saring mga paraan kung papaanong ang parehong kondisyong ekonomikal ay maaaring magbigay-daan sa iba't ibang uri ng mga komplikadong ugnayang sosyal, mga konkretong naisabuhay na mga karanasan, at mga larangang politikal. Dahil napipigilan ng "class reductionism", madalas ay naisasantabi rin nila at hindi nabibigyan ng pansin ang mga suliranin ng ibang mga sektor ng lipunan, ng mga napapagitnaang uri, at iba pang mga alalahanin.

Bagamat nagbibigay sila ng kaukulang pagpapahalaga sa estado, maraming sosyalista ang mas binibigyang-pansin pa rin ang ang mapanupil na puso nito. Dahil sa ganitong pagtingin , hindi nila nabibigyang diin ang lahat ng mga paraan kung saan ang estado ay maaaring napalaganap ang kapangyarihan nitong manggipit kasabay ang pagbuo ng mas sopistikadong anyo ng paglalagay sa ayos ng sistema. Ang mga sopistikadong kapangyarihan na ito ay hindi lamang hamak na makalumang mga kasangkapan gaya ng kapangyarihang despotiko, gaya ng panggigipit at karahasan, ngunit kinabibilangan din ng kapangyarihan sa imprastraktura at sa diskurso—ang kapangyarihang pamahalaan ang lipunan sa pamamagitan ng mga institusyon, kapangyarihang mag "manufacture" ng "consent" o mag-organisa ng pagpayag sa pang-aapi sa hanay ng mga api.

Kinikilala ng iba ang hedyemoniko o disiplinaryo na bahagi ng estado, ngunit madalas pa rin nilang tingnan ang estado bilang isang sasakyang maaaring imaneho sa kung saang direksyong gugustuhin ng mga nakasakay rito. Sa ganito ay natatabunannila ang mga paraan kung saan ang mas malawak na istruktura na kinapupusisyonan ng estado na napipigilan ang pagkaipon ng mga reporma at ganap na inaalis ang mga mas progresibong posibilidad.

Kasamang hindi nabibigyang pansin ay ang di mabilang na mga paraan kung papaano ang mga sektor ng maralita ay nagagawang magsimula ng mga anyo ng pag-unlad na may sariling mga pamamaraan sa pinakamababang antas, o ang mga paraan kung papano sila bumubuo gamit ang mga sinauna pang mga prinsipyo at mga kasanayan ng pagkakaisa, pakikisama, paghahatian, ang "commons", paghalili sa sarili, at iba pang mga bagay na nagbibigay ng paraang matanaw at mga kagamitan kung paano bubuuin ang isang alternatibong lipunan.

Kaugnay nito, sineseryoso man ng kaliwa ang kultura sa abot nang makakaya nito, ang pagtingin pa rin nila rito ay hamak na manipestasyong epiphenomenal lamang ng "economic sphere", na nauuwi sa pagkabulag sa mga paraan kung papaanong ang mga pangaraw-araw na paniniwala at mga kasanayang agad-agad lang tinatanggap ng mga manggagawa ay napipigilan silang makamit ang kamalayang rebolusyonaryo. May mga ibang mas siniseryoso ang kultura, ngunit pinapaliit nila ang usaping ito bilang propaganda o maling impormasyon lamang. Ipinagwawalang-bahala nila ang mga mas mapanlinlang na mga pamamaraan kung papaanong ang kapangyarihang hedyemoniko o disiplinaryo ay gumagana sa parehong antas ng "conscious" at "subconscious".

Panghuli, sa dinami-dami ng pagsusuri ng kaliwa sa ekonomiya, halos eksklusibo pa rin pagtuon sa produktibong trabaho sa mga sakahan, pabrika, opisina, o pamilihan. Dahil dito, napapabayaan pa rin nilang kilalanin at suriin ang gawaing reproduktibo, na walang-katarungang patuloy na dinadala ng kababaihan at iba pang mga minamaliit na grupo: silang ginagawang posible ang produktibong trabaho, at sa katunayan pa nga ay ang lahat ng buhay. Sa gayo'y nakakaligtaan din nila ang maraming iba pang mga paraan kung papaanong nagaganap ang pananamantala sa uri at kinalaunan, pinagsasama o pinapalakas ang pang-aapi dahil sa kasarian at ang iba pang mga uri ng opresyon.

Dahil hindi sila bukas sa mga napapanahon, bago at mas malikhaing mga paraan ng pag-iisip tungkol sa lipunan, maraming mga sosyalista ang sa gayon ay nahihirapang tumugon sa paglala ng pagsalakay at panunupil ng estado laban sa kaliwa at sa pagpapalit ng balangkas ng pandaigdigang ekonomiya. Sa kawalan ng kagustuhang magsagawa ng mabagsik na kritisismo ng lahat ng umiiral—maging ng sarili nilang mga estratehiya, nananatili silang nakatali sa mga hakbang na maaaring may puntong gawin noon, ngunit ngayon—sa ilalim ng lubang naiibang mga sirkumstansiyang kinalalagyan natin sa panahong ito—ay hindi na.

Kasunod nito, dahil sa pagtangging pansinin ang mga komplikadong paraan kung papaanong ang kapitalismo ay nagbago at kung paanong umunlad ang estado, patuloy silang nag-organisa sa mga paraang hindi nasasaktan ang mga di maalis-alis na ugnayan ng pagkontrol at paghahari, o na nagbibigay kalakasan pa sa mga pangunahing haligi ng kapangyarihan ng mga elite.

Dahil sa pinakitid na paningin sa mapanggipit na aspeto lamang ng estado, nananatili silang nakadikit sa organisasyunal na moda ng pag-iral (i.e. pagiging "underground", "clandestine", atbp.) na mas nababagay sa musmos at despotikong anyo ng pamamalakad ng kapitalismo, ngunit hindi para sa mas advanced o mas sopistikado—dahil sila ay mga "demokratiko" pero populista,pasista, o hindi liberal—na anyo ng hedyemonyang burgis.

Dahil walang pakialam sa iba't ibang paraan kung papaanong nagtatagpo ang mga pang-aapi batay sa uri, kasarian, at iba pang mga batayan, nabigo ang ilang mga makakaliwa na abutin ang mas malalaking bahagi ng naaapi, o kaya naman ay tuwing sinubukan nilang gawin ito, wikang dayuhan ang dating ng mga sinasabi nila sa mga tinatamaan ng opresyon. Mas masahol pa, ang mga gawain ng iba ay nauuwi lang sa pagpapalala ng pagiging hyper-masculine, awtoritariyo, ableist, ageist at iba pang gawaing opresibo sa mga sarili nilang organisasyon.

Sinadya man nila ito o hindi, maraming mga sosyalista ang nauuwi rin sa pag-ambag sa pagpapanatili ng isang kultura sa kaliwa na mas nakakatanggal ng lakas kaysa nakakapagpabuhay, mas nakakapanghina ng loob kaysa nakakapagpasigla. Dahil sa kalubhaan ng sentralismo o pagiging "commandist" at kahina-hinala, kung hindi man tahasang mababang pagtingin sa mga nagsasarili at malayang mga inisiyatibong makakaliwa labas sa kanilang saklaw, nagtatagumpay sila sa pagtataboy kaysa sa panghihikayat ng mga tao sa kilusan. Dahil sa pagpilit sa tuod na radikalismo na tinatawag nilang "mas radikal" o minsan pa nga ay ang "totoong" kaliwa, nagawa nilang itaboy ang marami na maaari sanang makapag-ambag sa adhikain. At dahil rin sa kabiguang lumikha ng espasyo para sa pakikipagdamayan at pagpapayabong, marami ang nagtagumpay sa pagtatanim ng alinlangan kaysa sa pag-asa para sa isang alternatibong bukas.

Totoo naman, malayo sa pagiging monolitiko ang kaliwa sa Pilipinas. May mga tiyak na problemang kinakaharap ang iba't ibang mga seksyon nito. Ngunit marami sa kanilang mga problema ay pare-parehong nagmula sa kanilang pagbitaw sa iba't ibang paraan ng pag-unawa sa lipunan ng Pilipinas at sa mas malaking sistema ng mundo kung saan ito nakapaloob.

Kaya naman, iyong mga pinipilit na malaking bahagi ng Pilipinas ang nananatili pa rin sa paraan ng pamumuhay bago ang kapitalismo, ay patuloy na naiipit sa paghahatid ng pagbabago sa lipunan ng Pilipinas papunta sa pagiging kapitalista nito—isang pagbabagong panlipunan na naganap na maging sa mga hindi man inaasahang pamamaraan—sa halip na bigyang ibang anyo ang pagbabagong ito. Sa paghahabol sa mithiing ito, patuloy silang naglulunsad ng protracted people's war, na matapos ang kalahating siglo ng pakikipaglaban, at matapos ang malawak na sakripisyo ng maraming matapat at idealistikong mga kadre ay ni hindi man lang napalapit—o masasabi pa ngang malayo pa—sa tagumpay na kanilang hinahangad.

Sa pagsasantabi sa mga komplikadong mga paraan kung papaanong ang paghahari ay sinasanay na ng estado, isinuko na nila ang lahat sa ilalim ng pagwawagi ng mapang-aping aparato ng estado. Bunga nito, napabayaan nila ang pagbuo sa isang tunay na malayang alternatiba sa hedyemonyang sinasanay ng mga elite ng bansa. Bagamat nakabuo nga sila ng malalaking himpilan ng suporta, ang mga pagsisikap nila ay lahat trinatratong mas mababa pa rin o iniaasa sa pangangailangan ng gerilyang pakikipagdigma. Dahil dito, bigo silang gamitin ang mga himpilang ito na i-abante ang adhikaing sosyalista, minomobilisa o pinapatigil na lang sila magmobilisa para suportahan ang alinmang paksyon ng naghaharing elite ang sa tingin nila ay mga taktikal na kakampi para sa ikabubuti ng kanilang estratehiya.

Ngunit dahil hindi nila nalabanan ang kapangyarihang hedyemoniko ng estado, itong nangingibabaw na grupo ng kaliwa ay hindi rin malayo ang naabot sa layunin nilang palibutan ang mga siyudad mula sa mga kanayunan at manaig laban sa mga mapanupil na aparato ng estado. Higit pa rito, upang igiit ang pangingibabaw ng kanilang posisyon sa kaliwa, umasa ang ilan sa kanila sa mga pagpupurga at sa iba pang mga tahasang marahas na mga pagkilos laban sa ibang mga kasama, na lumilikha ng matinding pakiramdam ng takot at pumipigil sa mga pluralista at awtonomong artikulasyon ng sosyalismo.

Iyon namang naiiba ang pananaw, gaya noong mga nagpipilit na ang Pilipinas ay naging isang "atrasadong kapitalista" na lipunan ay humaharap din sa mga sarili nilang limitasyon. Wasto man sa paggigiit na ang kapitalismo sa Pilipinas ay hindi na "semi-feudal" ngunit nananatili pa rin sa lineyar na pananaw sa pagbabago ng kasaysayan at nabibigong makita ang natatanging uri ng rebolusyon na nagawang mailunsad ng mga dominanteng uri sa bansa, nagtataguyod sila ng layuning naiiba nga, ngunit pareho pa ring mali ang patutunguhan: ang kaganapan ng tinatawag na isang bourgeois democratic na rebolusyon.

Sa paggawa nito, nawawala rin sa paningin nila ang mga bintanang isinara at sa mga pintuang nabuksan ng konserbatibang rebolusyon mula sa itaas na itinutulak ng burgesiya sa Pilipinas nitong mga nakaraang dekada. Ipit rin sa pananaw ng estado na mapanggipit bilang pinakauna kung hindi man ang pinakanatatanging katangian nito kaysa sa pagiging hedyemoniko, sila rin ay naglaan ng karamihan ng kanilang enerhiya tungo sa pag-oorganisa ng isang insureksyong ang pangunahing tinutumbok ay ang pagiging mapanupil o marahas nito—isang istratehiyang hindi nakatakbo nang malayo at mukhang hindi na tatakbo nang malayo sa pagdating ng mga bagong anyo ng mga di marahas o repressive lang na depensa ng estado.

Nakalubog sa ganap nang naiibang kumpol ng mga problema iyong mga nasa kaliwang nakikilala ang mga radikal na pagbabagong pinagdaanan ng lipunang Pilipino ngunit kumakapit pa rin sa wala na sa panahong konseptwalisasyon ng kalikasan ng estado.

May ibang nagkamalay sa inabot nang kung papaanong lumawak ang konsenswal at disiplinaryo na mga aparato ng estado, ngunit pasalungat silang kumilos sa pagbabalewala kung hindi man pinagwawalang-bahala ang tuloy-tuloy na kapangyarihan ng pagiging bayolente o marahas ng estado. Ang iba ay kinikilala ang patuloy na kahalagahan ng represyon sa pagpapanatili ng kasalukuyang ayos, ngunit baluktot pa rin ang pagtingin nila sa estado bilang isa lamang sasakyang maaaring gamitin upang maabot ang sosyalismo. Minamaliit nila ang mga paraan kung papaanong ang estado ay likas na nakatutok na sa pagbibigay prayoridad sa pagsasamsam ng kapital higit sa anupaman.

Dahil naniniwala silang ang mga reporma ay maaaring magpatong-patong hanggang umabot ang mga ito sa pagiging kasing-halaga ng lagumang pagbabago ng sistema, ang mga sosyalistang may ganitong pananaw ay umaasa na lang sa istratehiyang paurong ng pagsubok kuhain ang mga makinarya ng estado kasabwat ang mga partidong elitista na handang makinig sa mga minumungkahi nilang reporma. Sa pagkakaroon o kawalang kaalaman sa pagiging tagapaghatid ng kapangyarihang hedyemoniko ng mga elite, o bilang mga ahente na humahalili sa mga elite sa pagpapaamo ng mga salungatan ng uri, madalas nagugulat na lang silang naisahan na sila, hindi makapalag sa mga elite, habang binabawasan ng mga ito ang mga repormang napagtagumpayan nila, habang sila mismo ay naging kasabwat sa pag-demobilisa at pag-aalis ng politikal na impluwensiyasa mga api.

Ang kuwento nila ay tila ba isang trahediyang kailangang pagkuhanan ng aral: Nagsimula silang may kagustuhan na sakupin ang sistema mula sa loob, ngunit ang nangyari ay sila mismo ang nalamon ng sistemang ito. Hindi man nila ito intensyon, naging galamay na lang sila ng mga naghaharing-uri na minsan nilang nilayong kontrahin, inuurong imbis na sinusulong ang mga progresibong adhikaing na sabi nila’y patuloy nilang ipinagtatanggol.

Dahil dito, bagamat magkaiba ang kanilang mga paraan, ang iba-ibang grupo sa kaliwa sa Pilipinas ay tila pilay, walang kakayanang imobilisa ang masa tungo sa isang daan na tunay na radikal at nakakapagpabago ng sistema, at bigyang-daan ang pagkakapanganak ng isang alternatibong ayos ng lipunang kanilang tinatanaw. May lumalaking bilang ng mga api ang mas bukas sa mga alternatiba, gaya ng sinasagisag ng kanilang suporta sa mga populistang inaatake ang mga "oligarkiya" o iyong mga nagpapanatili ng status quo. Ngunit sa kasalukuyan, napatunayan nang bigo ang kaliwa na tuluyang makuha ang imahinasiyon ng mga api, maipanalo ang kanilang kumpiyansa, at pangunahan ang daan.

Ang resulta ay nakuha ng kilalang linya mula sa isang martir na kasama: 'Ang lumang mundo ay namamatay na nga ngunit ang bago ay hindi pa maisilang.'


IV.

Naniniwala kaming may ibang paraan.

Naniniwala kami na ang isang bagong kabihasnan ay posible—at dapat—na isilang sa wakas.

Sa katunayan, naniniwala kami na mismong ang lumang mundo na ngayon ay gumuguho na, ang siyang tumutulong sa pagsilang sa bagong mundong ito. Naniniwala kami na kaya—at dapat— natin tuntungan ang mga panalo nitong lumang mundo—ang napakalaking produktibidad nito, ang pagsasapanlipunan ng produksyon, ang mga teknolohikal at kultural na tagumpay nito—upang gawing posible para sa lahat na mamuhay nang maayos at makahanap ng kahulugan sa kanilang buhay. Kami ay naniniwala na ang malalaking pakinabang na ito sa produksyon ng yaman, na noon ay monopolyo at pangunahing minamaniobra ng isang hamak na elite na uri, ay maaari at nararapat na pantay na ipamahagi sa lahat ng manggagawa at gamitin para sa kapakanan ng mamamayan.

Bagama't nagmula kami sa iba’t ibang mga pananaw, ganap ang paniniwala namin sa isang bagay: Na hindi tayo makakaligtas bilang mga nilalang sa ibabaw ng lupa, o di kaya uunlad bilang mga indibidwal at bilang mga komunidad, maliban kung radikal nating babaguhin ang lipunan at ang mundong ating ginagalawan.

Upang pandayin ang isang bagong mundo, hinahangad naming sumubok ng ibang stratehiya o magsimula sa ibang pamamaraan—iyong tinutungtungan ang mga aral ng nakaraan at patuloy na pagsisikap na baguhin ang lipunan ng iba sa kaliwa ngunit naglalayong din matuto mula sa kanilang mga pagkakamali at malampasan ang kanilang mga limitasyon.

Bilang panimula, naniniwala kami na ang mga reporma, o unti-unting pagpapabuti ng kalagayan ng marami sa loob ng balangkas ng umiiral na lipunan, ay talagang kailangan—at dapat nating itulak ang mga ito sa abot ng ating makakaya.

Dapat tayong makibaka para magkaroon ng trabaho ang lahat at pambansang minimum wage na ginagarantiyahan ang buhay na may dignidad para sa lahat. Kailangan nating isulong ang mas maikling oras ng trabaho, mas maraming pagliban sa trabaho nang may bayad, at mas mahabang bakasyon para sa mga manggagawa. Dapat nating itulak ang malakihang pagpapalawak at pagpapabuti ng pampublikong kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan. Upang matustusan ito, dapat nating ipaglaban ang karapat-dapat na buwis sa kayamanan ng mga bilyunaryo at lumipat patungo sa pinakaprogresibong pagbubuwis na posible sa loob ng kapitalismo. Kailangan nating magsagawa ng mas masinsinan at walang kompromisong programa sa reporma sa lupa upang magpakailanman ay mabiyak ang malalaking lupang pinag-aari sa bansa at mabago ang relasyon sa produksyon sa kanayunan. Kailangan nating ituloy ang isang makatarungang paglayo mula sa mga fossil fuel sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang pinakamasasamang epekto ng krisis sa klima.

Bilang karagdagan, kailangan nating itulak ang legalisasyon ng aborsyon at diborsyo at kailangan nating ipaglaban ang pagkakapantay-pantay sa pagpapakasal, at ang legalisasyon ng mga alternatibong kaayusan sa sambahayan para sa mga LGBTQIA+. Dahil sa pagkilala na ang ating sistema ng hustisyang pang-krimen ay likas na may kinikilingan laban sa mga mahihirap, dapat nating itulak ang dekriminalisasyon ng paggamit ng droga, sumulong tungo sa decarceration ng mga hindi marahas na pagkakasala; dagdagan ang eligibility para sa parole; ilipat ang pondo mula sa pagpupulis sa mga inaapi tungo sa pagbibigay ng mas maraming serbisyong panlipunan para sa mga inaapi; at magsagawa ng iba't ibang hakbang na naglalayong muling ituon ang sistema mula sa pagdidisiplina at pagpaparusa sa mahihirap at mahihina tungo sa pagbibigay ng hustisya laban sa mga mandarambong, tiwaling opisyal, abusadong amo, at iba pa.

Ang listahang ito ay hindi kumpleto, ngunit malinaw ang prinsipyo nito: Kailangan nating ipaglaban ang lahat at anumang bagay na maaaring makapagpabawas ng pinsalang idinudulot sa kalikasan at maibsan ang paghihirap ng mga manggagawa at iba pang mga aping pangkat. Nangangahulugan ito hindi lamang ng lobbying o pagsali sa mga pampublikong kampanya ngunit pagtulong sa mga manggagawa, kababaihan, LGBTQIA+, decarcerated at iba pang mga inaapi na grupo na bumuo o palakasin ang mga unyon ng manggagawa, asosasyon, at iba pang mga organisasyon na naglalayong palakasin ang kanilang kolektibong kapasidad na ipagtanggol ang kanilang sarili at isulong ang kanilang mga interes sa loob ng umiiral na lipunan.

Ngunit lilinawin namin: Ang pagpapakain sa mga alipin ng mas masarap na pagkain ay hindi winawakasan ang kanilang pagkaalipin. Ang pagputol ng siyamnapu't siyam na puno sa halip na isang daang puno ay hindi makakapagpahinto sa pagkasira ng mga kagubatan. Kahit na ang pinaka-radikal na mga reporma ay hindi makapagliligtas sa atin.

Dahil hangga't may maliit na minorya na patuloy na nagmamay-ari ng means of production habang ang karamihan ay salat maliban sa kanilang mga katawan at kanilang mga tanikala, ang pagkasira ng kalikasan at ng mga manggagawa ay magpapatuloy.

Ang kailangan natin upang maiwasan ang pinakamasamang epekto ng krisis sa klima at matigil ang dahan-dahang pagkaupos ng buhay ng milyun-milyong tao at iba pang mga nilalang ay isang malawak at mapanlahok na anyo ng demokrasya sa pampulitika, pang-ekonomiya, sosyal at kultural na mga larangan ng lipunan. Kailangan nating bumuo ng isang lipunan kung saan maaari tayong makilahok sa makatuwirang deliberasyon at gumawa ng mga desisyon sa mga pangunahing katanungan na kung ano ang ating gagawin, kung paano tayo gagawa, kung ano ang ating gagawin sa yaman na ating nagawa, kung gaano kalaking paglago ng ekonomiya ang gusto natin, kung anong uri ng paglago, kung dapat nating tunguhin ang pag-unlad o pabagalin ang pag-unlad, at iba pa—sa madaling salita, tungkol sa kung ano ang magandang buhay at kung paano natin ito mararanasan nang magkasama.

Magiging posible lamang ito kung bubuo tayo ng isang lipunan kung saan ang lupa, makinarya, teknolohiya, at ang marami pang ibang kailangan natin upang mamuhay ng mabuti ay pag-aari at sama-samang pinamamahalaan, at bukas sa lahat, habang sinisiguro ang espasyo para sa mga inisyatibong pang-indibidwal tungo sa kabutihang panlipunan. At magiging posible lamang ito kung gagawa tayo ng ganitong uri ng mga lipunan sa lahat ng bahagi ng mundo—di lamang sa Pilipinas ngunit sa lahat ng bansa. Sa madaling salita: magiging posible lamang ito kung bubuo tayo ng kabihasnang sosyalista sa pambansa at pandaigdig na antas. Hindi magkakaroon ng demokrasya at ng makatuwirang deliberasyon kung walang sosyalismo gaya nang hindi rin magkakaroon ng sosyalismo nang walang demokrasya at makatuwirang deliberasyon.

Gayunpaman, nangangahulugan ito na hindi natin dapat hangarin na pahinain lang ang mga salungatan sa pagitan ng mga uri, kailangan likhain natin ang mga kondisyon para sa tuluyang pagkabuwag na ng mga uri—hindi lang ng burgesya ngunit pati na rin ng proletaryo at ng lahat ng mga uring naaapi sa lahat ng dako.

Ipinahihiwatig rin nito na hindi tayo maaaring makikianib sa anumang seksyon ng mga naghaharing uri sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa, maliban na lamang sa mga lubhang limitado at panandalian alyansa tungo sa mga limitadong layunin; kailangan patuloy tayong makibaka laban sa kanila at kailangan nating likhain ang mga sirkumstansiya kung saan ang mga naaapi ay magagawang agawin ang kapangyarihang ekonomikal, pulitikal at panlipunan mula sa kanila.

Huwag na nating iwasang sabihin na ng tanging pag-asa natin ay hindi lamang sa mga reporma, kundi sa rebolusyon—isang sosyalistang rebolusyon sa Pilipinas at sa iba't ibang bansa dito at ngayon na sa halip na sa ilang malayo at malabong hinaharap na laging ipinapagpaliban.

Ngunit gayunpaman, hindi sasapat ang pagbuwag lamang sa kapitalismo. Kailangan rin nating kalasin ang patriarka at buwagin ang lahat ng mga anyo ng pangingibabaw na inilagay, pinatatag o kaya naman ay ginawang institusyonal ng kapitalismo, kasama na ang racism, ageism, ableism, anthropocetrism, carcerality at iba pa.

Bagama't malayo ang mararating ng pag-baklas ng kapitalismo sa pagwawasak sa mga pundasyon ng iba pang mga anyo ng subordinasyon, hindi awtomatikong wawalisin ng isang sosyalistang rebolusyon ang mga ito—sa katunayan, maaari pa nga silang magpatuloy kahit na matapos ang pagkawasak ng kapitalismo at mapahina ang mga pagsisikap na itayo ang sosyalismo. Kaya naman, kailangan na din silang labanan ngayon—hindi sa hinaharap kapag nalutas na ang “mga mas mahahalagang problema”.

Upang magawa ang lahat ng ito, hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang nagsisilbing saligan ng kapitalismo at ng iba't ibang ugnayan ng dominasyon na nakatali dito: ang kapitalistang estado. Nangangailangan ito ng sa tingin namin ay mas mainam na estratehiya—iyong mas may katuturan kaugnay ng mga dramatikong pagbabago na naganap sa Pilipinas at sa pandaigdigang ekonomiya sa nakalipas na kalahating siglo.

Kaya, bilang pagkilala sa paglulunsad ng konserbatibong rebolusyon ng mga dominanteng uri mula sa itaas at pagsasaalang-alang ng pag-unlad ng imperyalismo, sisikapin naming itulak hindi ang isang "bourgeois democratic" na rebolusyon mula sa klasikong pamamaraan kundi isang naiibang uri ng demokratikong rebolusyon na may kakayahang kontrahin ang konserbatibong rebolusyon ng ating mga elite mula sa itaas, at hadlangan ang patuloy na pagsisikap ng mga imperyalista na hadlangan ang panlipunang pagbabago sa buong mundo.

Ganap ang kamalayan na ang kapitalistang estado ay umunlad hindi lamang sa mapanupil nitong mga kapasidad kundi pati na rin sa kakayahan nitong mag-organisa ng consent at disiplinahin ang populasyon, ibang anyo ng pakikibaka ang naiisip namin: hindi patungo sa isang walang katapusang digmaang gerilya na naglalayong palibutan ang mga lungsod mula sa kanayunan o sa isang walang katapusang armadong insureksyon sa lunsod na nakatuon din sa pagtalo sa mapanupil na aparato ng estado sa pamamagitan ng puwersa, ngunit isang mahaba at tuloy-tuloy na labanan para sa mga damdamin at pag-iisip, na naglalayong palayain muna ang mga diwa at kamalayan ng mga inaapi mula sa mga kulungan na itinayo ng mga naghaharing uri at kanilang hukbo ng mga intelektwal.

Hinahangad naming tumulong na mapagtagumpayan ang laban na ito sa pamamagitan ng paghamon at pagkontra sa mga kapangyarihang ideolohikal o disiplinaryo ng estado, isang gawain na nangangailangan gawin ang lahat nang maaari para tulungan ang mga inaapi na alisin sa kanilang sarili ang kamalayan na itinanim sa kanila ng mga elite upang mapayabong nila ang kanilang sariling mga pananaw sa kanilang mga kalagayan, at sa mga paraan tungo sa kanilang sariling pagpapalaya. Ang layunin ay hindi lamang pahinain ang despotikong paghahari, ngunit labanan din ang kapangyarihang imprastraktural na pamahalaan at palabnawin ang hindi pagsang-ayon at ang diskursibong kapangyarihan upang gustuhin natin ang nais ng hedyemonya.

Sa puso ng ekonomiya—sa mga lugar ng paggawa at sa ating mga komunidad—ay magsusumikap din kaming magtayo ng mga "factory/workplace council" o "community council" na magtutulak para sa mga produktibo at reproduktibong manggagawa na mas aktibong makilahok sa pamamahala ng mga proseso ng produksyon/reproduksiyon, na magbubunga ng pagunlad ng kanilang teknikal at iba pa na mga kakayahan upang tuluyan silang makapag-organisa ng mga proyekto at komunidad sa ilalim ng sosyalistang lipunan.

Ang pag-oorganisa sa lugar ng paggawa o mga komunidad sa pamamagitan ng pakikisangkot sa unyon o lokal na pulitika, gayunpaman, ay hindi sapat. Wala tayong magagawa kundi makisali sa tanghalan kung saan naipon ang karamihan sa mga inaapi. Ganap na batid ang mga limitasyon ng elektoral na pulitika, pinili pa rin naming gamitin ang espasyong ito upang isulong ang aming mga layunin. Kaya naman, magsasabak at magkakampanya kami ng mga sosyalista sa lokal at pambansang halalan—yaong ayaw itago ang kanilang mga sosyalistang adhikain at paniniwala para lamang matanggap, at iyong mga mananagot sa kilusan habang sila ay nangangampanya at kahit na sila ay nanunungkulan na.

At gagawin namin ito hindi lang para makapag-propaganda ngunit pati na rin para magwagi—ngunit "magwagi" sa pinakamalalim na kahulugan nito: hindi lamang makakuha ng pinakaraming boto ngunit para na rin baguhin ang diskurso, iangat sa popular na talakayan ang aming pananaw at programa, gawing kilala ang sosyalismo, isulong ang mga pakikibaka sa kasalukuyan, at bigyang-sigla ang kilusan ng manggagawang uri. Ang layunin ay bumuo ng kamalayang pulitikal na tatagal nang buong taon at panghabang-buhay sa kaisipan ng mga naaapi, na hihigit pa sa pakikilahok sa prosesong elektoral at binibigyang-kakayanan silang sagupain at komprontahin ang estado, ang kapitalistang uri, at ang lahat ng mga mapang-aping pangkat at mga institusyon.

Upang tuluyang mabuo ang aming pagsali sa pag-oorganisa sa pook-paggawa o sa prosesong elektoral, kikilos din kami nang higit pa sa halalan at sisikaping bigyang-lakas ang mga sarili namin at ang aming mga kasapi mula sa mga naaapi sa pamamagitan ng pagbibigay ng mutual aid sa isa't isa at sa iba pang mga nasa komunidad. Gagawin namin ito sa pagtataguyod ng sarili naming alternatibong institusyong pulitikal, kultural, at ekonomikal, gaya ng sarili naming network ng mga kooperatiba, mga educational hubs, mga network para sa pagsasaliksik, mga lunsurang panlipunan, pantries, mga community gardens, disaster relief channels, media, at mga information outlets, mga lunsuran ng pagsasanay, mga samahang kultural at pampalakasan, at marami pang iba.

Bilang bahagi ng pagsisikap na ito, tutukuyin at sasakupin namin ang mga lokal na espasyo kung saan bigong mamahala ang estado, at tatangkaing bumuo ng mga lokal na organo ng lakas at pag-unlad. Magbibigay ang mga ito ng mga lugar ng pagsasanay para sa isang bagong uri ng pamamahala na maaaring dalhin patungo at tuluyang isama sa isang sosyalistang sistema sa hinaharap habang nagbibigay ng konkretong suporta para sa mga inaapi sa kasalukuyan.

Sa madaling salita, kahit makikilahok kami sa mga umiiral na politikal na espasyo, lilikha rin kami, uukit, at magpapalawak ng aming sariling malaya, makabago at mapagbago, at mapanggambala na mga himpilan ng lakas sa loob ng umiiral na lipunan—sa mga puwang kung saan maaari naming direktang abalahin at kontrahin ang lohika ng umiiral na sistemang ekonomikal, mag-eksperimento, at bumuo ng sarili nating mga alternatibong institusyon, sumubok ng mga bagong uri ng relasyong panlipunan, bumuo ng isang ekonomiyang nakatuntong sa pagkakaisa o ng mga bagong uri ng mga areglong ekonomikal na mas may pagtutulungan, mapahusay ang ating kakayahang maglunsad ng sariling pamamahala, at bigyan ang mga tao ng isang sulyap sa alternatibong lipunan na aming pinapangarap

Ngunit dahil ganap naming nababatid ang paglawak din ng mapang-aping aparato ng estado, kasabay nito ay maghahanda rin kami sa hindi maiiwasang paggamit ng mga elite ng tuwirang karahasan laban sa amin at sa mga taong kasama namin sa pakikibaka. Sa harap ng mga ganoong klase ng panganib, mamarapatin naming aktibong organisahin ang kakayahan naming ipagtanggol ang aming mga sarili mula sa mga kasalukuyan at mga darating pang mga paglusob—sa pamamagitan ng pagbuo ng kakayanan naming ipagtanggol ang sarili namin sa hukuman, suportahan iyong mga kasama naming naaresto, at marami pang iba. Ang magiging pinakamainam naming depensa ay ang isang malakas at mapagbantay na kilusan ng masa na handang mobilisahin ang pambansa at pandaigdigang opinyon, kung may sino man sa aming mga kasama o mga komunidad ang mapapasailalim sa pang-aapi ng estado o ng terorismo.

Alinsunod dito, inilalayo namin ang mga sarili namin mula sa iba sa kaliwa na kinukundena ang armadong pakikibaka. Bagama't sa ngayon ay hindi kami sasali dito bilang isang partido, kinikilala namin na ang karahasan ay lehitimo at kinakailangan sa oras ng ilang mga sirkumstansiya, sa parehong paraan na ang karahasan na ginamit ng mga alipin sa pagwasak sa kanilang mga tanikala ay lehitimo at kinakailangan.

Kaya't bilang paglihis doon sa mga naglilimita sa kanilang mga sarili sa pamamagitan lang ng pagreporma sa estado mula sa hangganang pinahihintulutan ng mga elite, hindi namin isinasantabi ang pangangailangan para sa isang mas sama-samang depensibong kampanya laban sa mga pagsisikap ng naghaharing-uri na panatilihin nang walang hanggan ang kanilang likas na marahas na paghahari. Sa oras na maharap kami sa todo-todong pag-atake, kung ang malaking bahagi ng naaapi ang matatag sa pagpanalig sa amin, at kapag ang dominanteng uri ay nagipit na at umaasa na lamang sa panunupil upang panatilihin ang kanilang kapangyarihan, maaari tayong lumaban at kailangan nating lumaban.

Samakatuwid, ang aming iminungkahing istratehiya—na hahapyawan lang namin rito ngunit higit pang lilinawin at tutukuyin sa mga kasunod na mga dokumento— ay komprehensibo at magkakaugnay: hindi ito maaaring isaalang-alang lang sa pagsali sa elektoral na pulitika o sa pakikipagtulungan sa isa't isa, at hindi rin malilimitahan sa isa anyo lamang ng pakikibaka na pinili batay sa prinsipyo lang kaysa sa umiiral na mga sirkumstansiya.

Ang una naming sinisikap buuin ay isang magkakambal na lakas—lakas na di lang nasa loob kundi sa labas rin ng mga espasyo at lohika ng umiiral na lipunan—sa anumang paraan na kinakailangan. Kung alin man sa mga paraang iyon ang magiging mahalaga, at kung aling tanghalan o sukat ng pagkilos ang makakatanggap nang mas higit naming lakas at mga panustos sa anumang panahon ay laging dedepende sa mga umiiral na kalagayan at samakatuwid ay sasailalim sa palagiang pagsusuri at demokratikong debate kaugnay ng aming mga layunin at prinsipyo.

Ngunit isang bagay ang di magbabago: ang layunin ng estratehiyang ito ay hindi lang repormahin ang kapitalistang estado, o magluklok ng mas maraming mga manggagawa o mga sosyalista sa mga institusyong legal. Ang dapat makamit ay ang pagkalikha ng mga kondisyon upang tuluyan nang mabuwag ang kapitalistang estado at para sa pagtatatag ng isang ganap na bagong lipunan, di lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Sisikapin naming tapusin na ang proletaryanisasyon sa pamamagitan ng pagwawakas ng sahurang-paggawa, valorization, alienation, at pagpupulis. Kaya naman, kasabay ng pagsagupa namin sa umiiral na tanghalang pulitikal at pagbubuo ng mga himpilan ng lakas higit pa sa mga tanghalang ito—kahanay at patuloy na pinalalakas ng bawat kasama, ang nilalayon namin ay hindi mabihag ang makinarya ng kapitalistang estado at gamitin ito sa pansarili naming mithiin, kundi ang maghanda para sa di maiiwasang pagkadurog nito, at itayo ang mga pundasyon para sa isang sosyalistang kabihasnan.

Para maisilang ang bagong kabihasnang ito, dapat tayong maghanda na magtatag ng isang bagong transisyonal na organisasyon na may kakayahang gumawa ng dalawang bagay nang sabay: tiyakin na ang mga puwersa ng pang-aapi ay hindi na makakabalik sa kapangyarihan habang lumilikha ng mga kondisyon para wakasan ang lahat ng mga anyo ng pang-aapi.

Napakalaking trabaho nito—trabahong nangangailangan ng permanenteng mobilisasyon at dambuhalang sakripisyo mula sa mga naaapi. Upang patuloy na mahimok ang mga tao sa pagpanday ng mahirap na proyektong ito at upang matiyak na ang bagong organisasyong ito ay hindi magiging panibagong kapangyarihan lang na mamumuno sa mga inaapi, dapat naming tiyakin na ang naturang organisasyon ay itataguyod ang dignidad at awtonomiya ng bawat indibidwal na inaapi, titiyakin na lahat ng mga kinatawan ay tuwirang hinahalal hangga't maaari at maaaring bawiin anumang oras, umiikot sa lahat ang burukratikong gawain, ang mga opisyal ay binabayaran nang sasapat lang na sahod upang maiwasan ang paghawak sa tungkulin na maging isang karera, atbp.

Kapag naitatag na ito, ang tungkulin ng transisyonal na organisasyong ito ay dapat malimitahan upang patuloy na maisakatotohanan ang mga kondisyon para sa sosyalismo—mga kondisyon na naririto na ngunit bigong maisakatotohanan ng kasalukuyang lipunan. Kasama na rito ang paglayo sa produksyon mula sa layuning magkamal ng kapital tungo sa layuning mapag-aaruga sa mga tao; pagpapaikli ng oras ng paggawa; redistribusyon ng pasanin ng gawaing reproduktibo paalis mula sa mga kababaihan at mga LGBTQ sa pamamagitan ng paglipat ng responsibildad ng pag-aaruga sa mga bata at iba pang mga gawaing reproduktibo sa buong komunidad; pag-aalis ng anumang naiiwang balangkas ng herarkiya sa lugar ng paggawa o sa komunidad; paglilimita o pagbabawas ng pondo ng kapulisan o ng anumang kagaya nito at sistematikong bawasan ang kanilang mga tungkulin hanggang sa tuluyan nilang pagkabuwag; pagkalas sa sistema ng pagbibilanggo; at marami pang iba.

Upang maisakatuparan ang lahat ng mga ito, dapat na maigiit ng transisyonal na organisasyong ito ang kaniyang awtoridad—ngunit ang awtoridad na ito ay dapat palaging nakasandigan sa kusang loob na pahintulot ng mga tao at hindi sa pamimilit o dahas. Kahit na kakailanganin nitong magpanatili ng puwersa sa likuran nito upang ipagtanggol ang sarili laban sa mga kontra-rebolusyonaryo at mananabutahe, dapat nitong layunin na iwasang magtatag lamang ng diktadurya ng proletaryo. Sa halip, dapat nitong pangunahan ang hedyemonya ng proletaryo at ng lahat ng aping grupo. Dapat nitong iwasan sa kahit papaanong paraan ang pagsibol ng isang diktadurya ng isang partido.

Ang layunin ng transisyonal na organisasyong ito ay hindi dapat makalimutan sa anumang oras: na alisin ang pangangailangan ng organisasyon sa pamamagitan ng pagbuo ng mga kondisyon para sa isang lipunang walang uri at walang estado, malaya sa lahat ng anyo ng dominasyon.

Sa pagsasabing 'lipunang walang estado' dapat malinaw na hindi namin iniibig magkaroon ng isang lipunang walang mga patakaran o pamantayan, walang koordinasyon, at sa makatuwid ay walang kaayusan. Kahit na maalis natin ang mga uri, kakailanganin pa rin nating magtaguyod ng isang mas magtatagal na kolektibong organisasyon upang lumikha at mapanatili ang mga kondisyon para sa kolektibong pag-unlad.

Gayunpaman, ang organisasyong ito ay hindi dapat magkaroon ng anyo na katulad ng isang estado, na naiinawan bilang organisasyon na nagtataglay ng mga burukratikong aparato na nakahiwalay mula sa mga pinamamahalaan nito, at nagtataglay ng mga armadong grupo na mapagmataas sa mga tao. Maari itong maging—at dapat itong maging—isang totoo at malayang samahan ng mga produser na may kasarinlan, may kakayahang mamahala sa sarili, at may pagmamalasakit sa kapwa, kung saan ang pamamahala sa mga tao ay papalitan ng pamamahala sa mga bagay, at kung saan ang malayang pag-unlad ng bawat isa ay kondisyon sa malayang pag-unlad ng lahat, ayon na rin sa mga ibang rebolusyonaryong naunang lumaban kaysa sa amin.

Upang magawa ang lahat ng ito—upang kontrahin ang kapitalistang estado, buwagin ang lahat ng anyo ng dominasyon, at bumuo ng isang bagong kabihasnan—kailangan ng isang malawak, nagkakaisa, at sama-samang pagkilos ng masa at mga aping pangkat, ngunit nakasalalay at pinangungunahan ng uring may parehong materyal na kapasidad at siglang lumikha ng isang bagong mundo: ang manggagawang uri, na mas pinalawak ang pagkakalarawan upang maisama hindi lang ang lahat ng mga manggagawang produktibo ngunit sinumang napipilitang maghirap para mabuhay sa mga lugar na urban, rural at kabundukan, kasama na ang mga manggagawang reproduktibo.

Dapat patuloy patotohanan ang isang bagay: ang pagpapalaya sa mga inaapi ay maaari lamang gawin ng mga inaapi mismo.

Ngunit para maging bahagi ng pakikibaka para sa pagpapalaya ng sarili at upang maisulong ang pakikibakang ito, kailanganng kaliwang may panibagong anyo at may panibagong sigla—isang kaliwang kinikilala at pinapahalagahan ang malalaking mga ambag ng mga naunang kasama at sa parehong pagkakaton ay may katapatan sa mabagsik na kritisismo ng lahat ng umiiral, na may kakayananang magbigay-sigla at kunin ang kumpiyansa ng mga naaapi, at na samakatuwid ay may kakayanang magbigay ng pamumunong moral at intelektuwal para sa lahat ng mga lumalaban para sa kalayaan.

Para maitayo natin itong panibagong kaliwa, kailangan natin ng bagong sosyalistang partido—yaong kumikilala at tumutuntong sa mga dakilang tagumpay ng iba pang sosyalistang partido na itinatag sa nakaraan ngunit naglalayong malampasan ang kanilang mga limitasyon, matuto mula sa kanilang mga maling hakbang at pagkakamali, at magpanday ng panibagong kilusan.

Ito ang partido na nais naming itatag.


V.

Dahil ikinagagalit namin ang patuloy na paglapastangan ng planeta at ng sangkatauhan,

kumbinsidong kailangan nang bumuo ng bagong pagsasaayos ng mundo, at determinadong buuin ito nang sama-sama, kami ay nagkapit-bisig upang simulan ang proseso ng paglikha ng isang bagong organisasyong politikal—

Na hindi lamang bukas at taos-pusong sosyalista, kundi bukas at taos-puso ring demokratiko, peminista, maka-Queer, makakalikasan, internasyonalista, kontra-racist, abolisyonista, kontra-ableist, kontra-ageist, at kontra sa lahat ng uri ng dominasyon.

Napagkasunduan namin na ang aming pangunahing layunin ay bumuo ng isang lipunang sosyalista, kung saan ang lahat ng tao ay kayang yumabong at abutin ang rurok ng kanilang malikhaing kakayahan. Kahit na ang lugar ng aming agarang pakikibaka ay sa Pilipinas, kinikilala pa rin naman na hindi ito makakamit kung ito ay pakikilusin sa loob lamang ng isang bansa. Bagkus, kaisa ng aming mga kasama sa isang bansa, nais naming bumuo ng pandaigdigang kabihasnang sosyalista, kung saan makakamit ng lahat ang kalayaan.

Sa gayon, nais naming bigyan ng panibagong lakas ang kaliwa at lumikha ng bagong kulturang sosyalista, upang palakasin ang aming kapasidad na bumuo ng isang kilusang pinangungunahan ng manggagawang-uri, na kayang magtagumpay sa patuloy na pakikibaka laban sa mga mapanupil at kayang patatagin ang pundasyon ng kabihasanang aming inaadhika.

Napagkasunduan namin na ang partidong ito na nais naming buuin ay nakabase sa mga kaasalan na siyang gagabay sa alternatibang lipunan na nais naming buhayin. Ang mga paniniwalang ito ay gagabay rin sa aming buhay sa organisasyon at dapat makita sa aming saligang batas, mga proseso sa pagdedesisyon, mga mekanismo sa pagresolba ng mga suliranin, atbp. Ilan lamang ang mga sumusunod sa nais naming sundin:

Una, respeto para sa sariling pagdedesisyon at dignidad ng indibidwal: Sa lahat ng panahon, sisiguraduhin namin na hindi masiil ang kapasidad ng kahit na sinong miyembro na magdesisyon para sa kanilang sarili, tulad ng pagsabi o paggawa ng mga bagay bilang tagapagsalita nila o nang wala ang kanilang pahintulot. Hindi namin pupuwersahin ang aming mga miyembrong sabihin o gawin ng kahit anong labag sa kanilang paniniwala o kagustuhan.

Pangalawa, demokrasya: kasabay ng aming respeto para sa sariling pagdedesisyon at dignidad ng mga miyembro, walang sasabihin o gagawin ang aming partido na hindi aprubado ng tanang mga miyembro, o na hindi sumalang sa mga proseso ng pagdedesisyong kolektibo na itinatag ng organisasyon. Consensus ang pinakakikilingan naming paraan ng pagkakaroon ng desisyon; kung maibibigay namin ang lahat ng kakayanan at dumating pa rin sa oras na makita naming hindi posible ang consensus, doon pa lamang mauuwi ang pagdedesisyon sa botohan. Ukol sa pamumuno, gagawin sa lahat ng makakaya na gawing horizontal o pahalang ang estruktura ng organisasyon nito upang maiwasan ang pamumuno na galing sa taas pababa. Magtatatag kami ng mga mekanismong sisiguraduhin ang pananagutan ng mga pinuno o mga sinuswelduhang miyembro, na patuloy na nirerepaso sa pagdaan ng panahon upang siguraduhing epektibo ang mga ito.

Pangatlo, pagkakapantay-pantay: Kinikilala namin ang mga kawalan ng pagkakapantay-pantay dulot ng uri, kasarian at iba pang paraan sa aming mga sarili, at palagi naming sisikapin na iyong mga lalaki o cis-gender, mas may kayamanan, mas nakapag-aral, mas may koneksyong sosyal, atbp. ay hindi mas mapapakinggan o hindi magkakaroon ng mas malalaking mga pribilehiyo o kalamangan sa aming organisasyon dahil lamang taglay nila ang mga kalamangang ito. Gugugol kami ng sarili naming yaman, enerhiya, at oras para sa pagsasalin at pagkakahulugan, pagsuporta para sa pagbibiyahe ng mga kasapi naming nakatira sa malayo na nangangailangan ng tulong para sa kanilang mga anak, at marami pang iba. Habang nasa mga pagtitipon, sisiguruhin ng mga facilitators na ang mga Queer, mga kasapi mula sa manggagawang-uri, atbp. ay mabibigyan ng higit na oras at espasyo para makapagsalita at ng iba pang mga oportunidad. Ang palagiang pagpapaalala tungkol sa kawalan ng pagkakapantay-pantay na umiiral sa aming partido, pati na rin ang walang tigil na pagninilay-nilay sa mga paraan kung papaanong umiiral sa aming organisasyon ang mga lantaran o natatagong ugnayan ng lakas, ay patuloy naming hihikayatin at gagawing bahagi ng aming organisasyon.

Pang-apat, kaunlarang kolektibo sa pamamagitan ng mga ebaluwasyon at diskusyong konstruktibo: Layunin naming patuloy na paunlarin ang aming sarili bilang mga indibidwal at bilang isang kolektibo, at naniniwala kami na ilang paraan na makamit ito ang patuloy na pagninilay-nilay, pamumuna, at pakikipagtalakayan sa isa’t isa. Kaugnay nito, sinisikap naming lumikha ng isang espasyo kung saan ang lahat ay makakaramdam ng kapanatagan o mahihikayat pa nga na hindi sumang-ayon o pumuna ng iba (lalo na sa mga nasa pamunuan). Buong pagpupunyagi kaming maghahanap ng mga paraan kung papaano namin magagamit ang mga pagkakaiba-iba namin bilang dulugan ng lakas kaysa ng kahinaan. Hindi kami kailanman gagamit ng dahas upang resolbahin ang mga pagkakaiba-ibang ito o para parusahan ang mga nagtatagisan sa amin.

Panglima, sama-samang pagpapalakas: Sisikapin naming bigyan ang lahat ng aming miyembro ng mga oportunidad upang linangin ang kanilang mga sarili. Kabilang na rito ang pagbibigay sa lahat ng pagkakataon para mamuno, paglinang ang abilidad na magsalita sa publiko, mag-organisa, hawakan ang iba’t ibang gawain, lalong pagbutihin ang taglay na naming mga kakayanan, at marami pang iba. Kaugnay nito, papanatilihin naming maikli ang termino ng mga posisyon sa liderato sa abot ng makakaya at pipigilan ang ilang tao (tulad ng mga karismatiko, marunong magsalita, mga may koneksyon) na gawing monopolyo ang mga posisyon na may kaakibat na kapangyarihan o kalamangan. Ang mga oportunidad upang makapag-biyahe, sa edukasyon, atbp. ay pagpapasiyahan hindi lang ayon sa mga praktikal na konsiderasyon kundi ayon na rin sa aming layuning tulungan ang kapasidad ng lahat para makibaka.

Pang-anim, pagdadamayan: Magiging pinakamataas sa aming mga prayoridad ang kalusugang pisikal at sikolohikal ng aming mga kasapi. Maglalaan kami ng yaman, oras at enerhiya sa pagbubuo ng kolektibong kapasidad upang magbigay ng tumatagal na pagtulong para doon sa mga nagdurusa sa mga karamdaman, o nakikipagbuno sa mga problemang mental. Sisikapin naming lumikha ng "safe space" o ligtas na espasyo para sa lahat at magbigay ng tulong para sa mga maaaring maging biktima ng pisikal, seksuwal, o iba pang anyo ng agresyon o karahasan sa loob ng aming organisasyon. Bilang bahagi ng aming mga pagsisikap na bumuo ng ekonomiyang nakatuntong sa pagkakaisa, magsasaliksik rin kami kung papaano bumuo ng mga proyekto para sa pangmatagalang kabuhayan, mga kooperatiba, paikutang-pondo, at mga mekanismo na pang-emergency para sa mga kasapi naming may lubos na pangangailangan sa pagkain, pabahay, at iba pang mga pangunahing pangangailangan habang parating nag-iingat sa panganib na ang mga proyektong ito ay maging dulot ng panungurakot at hidwaan sa loob ng organisasyon.

Pampito, pagkapatas at pagkakapantay-pantay: Dahil kinikilala namin ang abilidad ng isang tao na magbigay boluntaryong serbisyo sa anumang organisasyon ay nakasalalay sa kanyang uri, kasarian, edad at pisikal na kakayanan, sisikapin naming magbigay ng nararapat na sahod (kasama na ang health care, mga benepisyo sa pagreretiro, atbp.) para doon sa mga magtatrabaho ng full-time o part-time para sa partido habang sa kasabay na pagkakataon ay umiiwas ding lumikha ng lupon ng mga burukrata na magkakaroon ng interes na panatilihin ang kanilang mga pribilehiyo. Sa paghahati-hati ng mga gawain, palagi naming isasaisip ang uri, kasarian, at iba pang mga estrukturang umiiral na pipigilan ang mga kasapi na magbigay nang higit pa nilang oras para sa partido, at iiwasan naming lumikha ng pakiramdam nang pagkukulang sa isang kasapi, o kaya naman ay magbigay-pahiwatig na iyong mga walang kakayanang magbigay ng higit pang trabaho o nanghihingi nang mas malaking bayad ay mas mababa ang katapatan sa kilusan.

Ikawalo, pananagutan at rehabilitasyon: Hindi namin hahayaan ang anumang anyo ng karahasan laban sa kababaihan (halimbawa, panggagahasa at "sexual harrassment") at sa iba pang aping grupo sa loob ng aming organisasyon. Sa parehong gilas din namin titignan ang iba pang mga anyo ng karahasan, kasama na ng pang-aabuso sa pananalita o sa emosyon, na mula sa gawa ng aming mga kasapi. Maglalagay kami ng mga malinaw na mga mekanismo kung papaano namin sasagupain ang mga pangyayaring ganito. Kaugnay nito, ang una naming magiging prinsipyo ay ang hindi pag-aatang ng "burden of proof" sa mga nagdaan sa mga ganitong kaganapan. Hindi lang kami magbibigay ng tulong at suporta sa lahat ng mga biktima, tutulungan rin namin ang pagsisikap nilang magkamit ng hustisya. Sa parehong pagkakataon, bibigyan rin namin ang nasasakdal ng tumpak na saayos na naayon para sa kanila sa loob ng isang balangkas na higit pa sa mga naaabot ng hustisyang burgis at partriarkal. Itutulak namin ang hustisyang makapagpanumbalik, na unang bibigyang pansin ang kapakanan ng mga biktima, habang sinisikap ang rehabilitasyon ng mga nagkasala.

Kaugnay nitong mga adhikain at prinsipyo, pinagpasiyahan rin namin na ang aming partido ay dapat sikaping abutin ang mga susumunod na katangian:

Una: Ang partido namin ay dapat nakabatay sa manggawang uri at sa mga naaapi. Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya na hindi maging panibagong sekta na naman ng mga intelektuwal o mga aktibistang peti-burgis na bukambibig nga ang masa, ngunit sa katotohanan ay nalalayo sa kanila. Sasadyain naming paunlarin ang mga kondisyon na magbibigay ng kakayanan para sa mas maraming tao na maging bahagi at maging lider ng aming organisasyon. Dapat makita ito hindi lamang sa mga isyu na paglalaanan namin ng lakas o sa mga kampanyang isasagawa namin, kundi pati na rin sa mga pangkaraniwang mga gawain, kagaya nang kung saan namin itatatag ang aming punong-tanggapan, anu-anong mga lenguwahe ang gagamitin namin sa aming mga pagpupulong, at marami pang iba. Kasabay rin nito, sisikapin naming iwasang bigyan ng maling imahe ang masa, habang kinikilala ring marami sa aming kabilang rin dito. Kinikilala naming lahat na tayo ay produkto ng isang mapang-aping lipunan at nangangailangan ng kolektibong pakikibaka upang mapagtagumpayan ang mga negatibong epekto ng pangongondisyon nito sa lipunan na buong buhay nating dinala. Kaugnay nito, itatanggi rin naming siraan ang mga paniniwala o mga pag-aasal na pinaniwala tayong para lamang sa mga nasa gitna or mataas na uri, tulad ng pag-aalala sa indibiduwalidad, personal na awtonomiya, at demokrasya.

Pangalawa: Walang pag-iimbot ang partido naming tumaliwas sa lahat ng mga anyo ng dominasyon: hindi kami kailanman makikiisa sa mala-panatikong antas ng pagiging nasyonalista, o kaya naman ay bigyan ng espasyo ang pagkakaroon ng poot laban sa ibang lahi, ng seksismo, racism, ageism, at ng marami pang iba para lamang maisulong ang ilan naming mga kagyat na layunin gaya ng pagkapanalo sa mga eleksyon, o para maging mas katanggap-tanggap kami para sa mga karaniwang tao. Kasabay ng pagtatasa namin sa mga umiiral na mga maling paniniwala doon sa mga nilalayon naming organisahin—mga pagkamuhing inukit sa kanila ng kasalukuyang lipunan—palagi pa rin naming sisikaping tulungan ang iba at ang mga sarili naming mapagtagumpayan ang mga ito.

Pangatlo: Ang partido namin ay pangungunahan at unang bibigyang pansin ang mga kasapi nito. Sisikapin naming hindi maging isa na namang organisasyon na tanging ang mga nasa pamunuan, o ang mga kawaning sumusuweldo para sa full-time na trabaho, lang ang gagawa ng mga pinakamahahalagang mga desisyon, habang ang mga karaniwang miyembro ay naiiwan sa pagsang-ayon lamang sa mga desisyon nila: pinagkasunduan sa mga tagong pagpupulong kung saan ang mga pinakamahahalagang desisyon ay napagpasiyahan na bago pa man magkita-kita ang buong kasapian. Sa halip, nilalayon naming maging isang buhay at humihingang partido: pinananatiling buhay sa pamamagitan ng patuloy at palagiang pakikilahok at mobilisasyon ng mga karaniwang kasapi.

Pang-apat: Hiwalay ang partido namin mula sa mga partido o mga organisasyon ng mga elite at ng mga peti-burgis. Palagi kaming magiging bukas na makipagtulungan sa ibang mga grupo at mga puwersang pulitikal na naniniwala rin sa aming mga kagyat na layunin. SInisikap naming magkaroon ng nagkakaisang hanay laban sa pasismo at diktadura, at umiiwas sa mga kamalian mula sa mga naunang pagsubok na buuin ang hanay na ito. Gayunpaman, sa pagbuo nang anumang mga aliyansa o pagsasamahan, palagi kaming gagabayan ng iisang malawakang layunin: ang pagbubuo ng malayang kapasidad ng mga kilusang sosyalista at proletaryo. Kahit dumating ang panahon na makipagsanib-puwersa kami sa mga kinatawan ng mga mapang-api sa paghahangad na maisulong ang magkakatulad na taktika, hinding-hindi kami sasailalim sa kanila o maging bibig ng kanilang propaganda.

Nangangahulugan itong tuwing may halalan o iba pang pakikibakang pulitikal, palagi naming susuportahan iyong mga nilalayong isulong ang proyekto ng sosyalismo at bumuo ng radikal na nakapagpapabagong kilusan mula sa iba pang mga kandidato, kasama na ang mga liberal. Ibig sabihin rin nito, palagi naming sisikaping magkaroon ng kakayanang palakasin ang mga sarili namin: Sa kabila ng pagiging bukas naming tumanggap ng mga panustos o iba pang anyo ng mga suporta mula sa mga kilalang mga foundation o donor, lalabanan namin ang pagiging NGO, at pagtatrabahuhan naming hindi mauwi sa pagpapatakbo ng mga donor. Sisikapin naming ang malaking bulto ng aming mga panustos ay magmumula sa ambag ng mga miyembro.

Pang-lima: ang partido namin ay para sa pagkakaisa at non-sectarian. Dedikado kaming tumulong sa pagbuo ng mga kondisyon para sa tuluyang pagkakaisa ng lahat ng mga grupo o partido na nais itatag ang sosyalismo at buwagin ang lahat ng anyo ng paghahari. Kaugnay nito, maninindigan kami sa aming mga prinsipyo, ngunit bukas rin ang pintuan naming makipagtulungan sa lahat ng iba pang mga puwersa sa kaliwa na kasalo namin sa aming mga agaran at pangmatagalang mga layunin. Sisikapin naming magtaguyod ng mga ugnayang may pakikisama at may respeto sa iba pang mga organisasyong sosyalista. Sa pagpapanday ng pagkakaisang taktikal kasama ng iba pang mga rebolusyonaryo, gagabayan kami ng pananaw na ang paghahayag ng mga di pagkakasundo at mga pagpuna na may intensiyong makapagpabuti sa mga ibang nasa kaliwa ay maaaring gawing tiyak at produktibo. Sa pagbubuo o pagtatrabaho sa loob ng mga progresibong koalisyon, sisikapin naming iwasan ang napkakaraniwan ngunit mapanirang kasanayan na unahin ang interes ng mga sariling panig at partido kaysa sa pangkalahatang interest ng kaliwa at ng kilusang manggagawa.

Pang-anim: Irerespeto ng aming partido ang awtonomiya ng mga kilusang panlipunan at iba pang mga nakikibakang grupo. Aktibo kaming makikiisa sa kilusan ng mga unyon, ng mga manggagawang agrikultural at magsasaka na inalisan ng lupa, mga kababaihan, LGBTQIA+, at marami pang iba. Sisikapin naming hikayatin sila sa aming mga pananaw at sa aming mga panukalang pagkilos, kasama na ang bukas-palad na pagpuna sa kanila tuwing kinakailangan. Ngunit hinding-hindi namin susubukan na halinhinan sila o ipasailalim sila sa aming partido. Taliwas nga rito, itataguyod namin ang kalayaan nilang magpasiya para sa kanilang mga sarili at magsimula ng kanilang mga inisiyatiba—kahit na at higit pa nga kung taliwas ito sa kagustuhan ng aming partido.

Pampito: Sisikapin naming maging isang partido na hindi natatakot magkamali at natututo rin sa mga ito. Hihikayatin namin ang eksperimentasyon at pagsisikapan na maging laboratoryo ng pakikibaka—isang ligtas na espasyo kung saan ang iba-ibang mga ideya para sa pagsusuri ng lipunan, sa pagbubuo ng kilusan, at sa pagkakamit ng mga layunin ay mabuo, maisulong, at masubukan, alinsunod sa aming mga prinsipyo.

Sang-ayon rito, aktibo naming hihikayatin ang kritisismo. Naniniwala kami na wala kaming monopolyo sa mga ideya at na napakarami naming matututunan sa ibang kasalo namin sa aming layunin. Kaya naman sa kabila ng pagkapit namin sa aming mga mithiin at mga pag-aasal, sisikapin rin naming tumulong sa pagbuo ng isang kapaligiran kung saan ang lahat ay may kalayaan at bukas na bigyan kami ng kritisismo sa anumang aspeto ng aming mga gawain. Sa pananaw namin, kailangang ganap na bumalikwas ang isang bagong kaliwa mula sa kawalan ng kalayaan mula sa mga matanda nang mga kinagawian at isulong ang pagkakaroon ng higit na kalayaan sa paggalaw, at pag-aangat sa karamihan, na sang-ayon sa mga pangunahin naming mga paniniwala at layunin.

Pang-walo: ang partido namin ay magiging makabago at mapagbago o “prefigurative,” kung saan ang kasalukuyan naming pag-oorganisa ay dapat asamin ang uri ng malayang lipunang hinahangad namin, kung saan ang pagkakaisa ng paraan at mga adhikain ay pinapanindigan. Sa paraan ng pag-oorganisa namin sa aming sarili, sa paraan ng pagdedesisyon namin, sa paraan kung papaano namin hinaharap ang mga hindi pagkakasundo, sa paraan kung papaano kami nakikibagay sa isa't isa bilang mga kasama, sa paraan kung papaano kami nakikibagay sa mga manggagawa—dapat magbigay ang lahat ng mga ito sa mga tao ng sulyap sa alternatibong mundo na tinatanaw namin at imbitahin rin silang gustuhing sumali sa pagbuo ng ganoong mundo. Kahit na kailangan rin namin palaging tandaan na kami rin ay mga produkto lamang ng lipunang ito—at nang dahil rito'y nagdurusa rin sa sari-sari ring uri ng limitasyon, magsisikap kami bilang mga indibidwal at bilang isang kolektibo na pagtagumpayan ang mga limitasyong ito. Kinikilala rin namin na ang mga kondisyon para sa isang alternatibong lipunang tinatanaw namin ay hindi pa ganap na narito at maaaring limitahan nito ang abilidad naming maging makabago at mapagbago, ngunit ito mismo ang dapat magbigay-lakas sa aming makibaka: nang dumating nang ganap ang mga kondisyong ito.

Kung paano namin aabutin ang mga nasabing layunin, paano naming patuloy na itataguyod ang mga prinsipyo na aming pinapanindigan, at kung paano namin oorganisahin at patatakbuhin ang partidong ito upang sundan ang mga prinsipyong ito na nailatag; ang lahat ng ito ay rerepasuhin ng lahat ng aming miyembro sa angkop na panahon at sa demokratikong paraan. Ganito rin ang aming pananaw sa lipunan at mundong kinagagalawan natin. Nais naming maging partido na palaging nagninilay-nilay at binabago ang sarili.

Hindi namin agad magagawa ang lahat ng tama. Ang mga relasyon ng dominasyon at kawalan ng pagkakapantay-pantay ay maaaring magpatuloy sa loob ng aming partido at hindi namin mababago sa loob lamang ng isang araw. Maaari rin kaming lumihis sa mga paniniwalang aming nilitaniya namin sa itaas, o mabigong pangatawanan ang mga inaasahan mula sa amin. Magkakamali kami. Magkakaroon kami ng mga pagkukulang. Pero ang pagpupuna, ang pagtatama, at pinakamahalaga sa lahat, ang pagsusuporta, ay manggagaling mula sa isa’t isa. Sama-sama at patuloy kaming magsisikap na maging mas mabuti.

Inaanyayahan namin ang lahat na nakikisalo sa aming pananaw at sa aming mga paniniwala na samahan kami sa pagbuo ng partidong ito at ng bagong mundo.

Simulan natin.