BAKIT NAGTATATAG KAMI NG ISANG BAGONG PARTIDONG SOSYALISTA

Sosyalismo pa rin ang nananatiling solusyon—ngunit kailangan nating maghanap ng mga bagong paraan upang buuin ito.

Babangon daw tayong muli: yan ang laging pangako nila, ilang dekada na. Ngunit imbes na bumangon, parang lalo pa tayong lumulubog. Maging walang trabaho o mayroon man ngunit katiting naman ang sweldo, nababaon sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at napagkakaitan ng mga serbisyong panlipunan, napakarami pa rin sa atin ang hirap na hirap na matugunan maski ang mga pinakasimpleng pangangailangan, o di kaya'y makahanap ng panahon para sa mga mahal natin sa buhay o hasain ang ating mga talento. Talamak pa rin ang gutom; napakarami pa ring walang bubong na masisilungan. Patuloy pa ring inaalisan ng kapangyarihan ang mga kababaihan sa sarili nilang mga katawan; mababa pa rin ang turing sa mga LGBTQIA+; at pinagkakaitan pa rin ang mga may kapansanan hindi lang ng mga pasilidad at tulong, kundi pati ng respeto. Tumitindi ang climate change; tila'y nasusunog ang buong planeta. Sa kabila nito ay tone-toneladang pagkain ang nabubulok nang di nakakain, libu-libong bahay ang bakante pero di pinatitirahan; habang nagtatampisaw ang mga bilyonaryo sa karangyaan.

Hindi ito simpleng korapsyon lang o resulta ng tinatawag nilang "bad governance" , ang ugat ng malalim na mga problemang ito ay may kinalaman sa kasalukuyan nating sibilisasyon. Nawawasak ang kalikasan at nararanasan natin ang iba't ibang uri ng pagyurak bilang tao dahil ang kapitalismo—ang sistemang nananaig sa ating bansa at sa buong mundo—ay likas na mapanira at hindi makatao. Kaakibat ng sexism, racism, ableism, at iba pang mga uri ng pang-aapi at diskriminasyon, tinutulak tayo ng sistemang ito tungo sa tuluyang pagkagunaw ng mundo dulot ng climate change habang patuloy tayong nilulumpo bilang tao at ginagapos sa tanikala.

Malinaw na dapat ngayon na hindi sasapat ang simpleng pag-reporma sa sistemang ito para malampasan natin ang matinding krisis na ating nararanasan. Buong sistema ang problema kaya dapat ang buong sistema rin ang dapat baguhin: ang kailangan natin ay ang magtatag ng isang sosyalistang lipunang nakatuntong sa hustisya, pakikiisa, pagkakapantay-pantay, demokrasya, at dignidad para sa lahat.

Ngunit para umabante tayo sa pagtatatag ng lipunang ito, kinakailangan din natin ng malalim na pagninilay-nilay: bakit—sa kaibila ng matindi at di matatawarang sakripisyo ng mga kasama—tila'y lalo pang humihina ang Kaliwa habang ang Kanan ay patuloy na lumalakas at namamayagpag? Panahon na ba para buksan natin ang ating mga isipan sa mga bagong stratehiya tungo sa pagtatayo ng bagong mundo nating pinapangarap?

Makabagong stratehiya para sa nagbabagong materyal na kalagayan

Malalim at malawak ang mga pagbabago sa mundong gusto nating maalpasan. Noong 1960, 33% lang ng lahat ng nagtratrabaho sa Pilipinas ay matuturing na mga "manggagawa" o yung tinatawag na "wage and salary workers"; ngayon higit 60% na. Ang sektor na ng pag-seserbisyo ang pinakamalaking bahagi ng ekonomiya: 60% ang ambag nito sa lahat ng produkto at halos 57% ng lahat ng may trabaho ay kabilang sa sektor na ito. Mula 90% nung 1960, 10% na lang ng ineexport ng Pilipinas ay raw materials o pagkain. Mula 5%, lumobo na at naging 80% na ng kabuuang exports ang parte ng gawa o "manufactured" na mga produkto sa loob ng limang dekada. Kung dati'y exporter ng pagkain, ngayo'y isa na sa mga bansang pinamalakas mag-angkat ng bigas ang Pilipinas.

Bagamat "mahina" sa ilang larangan, higit na mas lumakas na ang estado. Di gaya ng Russia sa ilalim ng mga tsar o ng China bago ang rebolusyon, di na ito umaasa lang sa dahas para mapasunod ang mamamayan, nagagawa na rin nitong magbigay ng matuturing na mga materyal na mga konsesyon, disiplinahin at ikondisyon ang kamalayan ng mga tao, gumamit ng tinatawag na symbolic violence o dahas gamit ang kapangyarihan nitong magtakda ng mga kategorya sa pag-iisip kagaya nang kung anong tama at mali, katanggap-tanggap o hindi. Kaakibat ang sibil na lipunan o "civil society," matagumpay nitong pinakitid ang imahinasyon ng mga mamamayan at ilayo ang kanilang mga hinaing mula sa direksyon ng rebolusyon.

Sa kabila ng lahat ng pagbabago na ito, nararapat pa bang ituring na mala-pyudal o atrasadong kapitalistanglipunan ang Pilipinas —at batay dito, dapat pa rin ba nating  kagyat na layunin ang pagtatayo ng kapitalismo sa bansa? Mapababagsak pa rin nga ba ang estado sa pamamagitan ng agarang insureksyon? Hindi namin sinasabi na ang partidong binubuo namin ay alam na ang sagot sa mga tanong na ito;o na sigurado kami na mas angkop ang mga sagot namin. Ngunit, imbes na ulit-ulitin natin ang mga dati na nating ginagawa habang patuloy na umaasa na mag-iiba ang resulta, hindi ba’t makakatulong  na subukan naman natin ang ibang pagtanaw o "hypothesis" sa aktwal na laboratoryo ng pakikibaka?

Ngayong ganap nang naitatag ang kapitalismo sa Pilipinas sa kanyang natatanging paraan, nagsisimula kami sa saligang pananaw na ang kagyat nating gawain sa ngayon ay bawasan kahit papaano ang pagiging mapanira nito—habang sabay na inilalatag ang mga kundisyon sa kasalukayan para sa pagkabuwag nito at hindi sa isang hinaharap na laging pinapagpaliban.

Nagsisimula rin kami sa pananaw na hindi matagumpay na makokontra ang mga mapanunipil na pwersa ng estado ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga stratehiya na lagi na lamang pinapasailalim ang lahat ng ibang uri ng pakikakabaka sa mga pangangailan ng armadong pakikibaka sa kanayunan o sa syudad. Pinalakas hindi lang ng dahas kundi na rin ng tinatawag na "hegemony," ang estadong ito ay matagumpay na makokontra lamang sa pamamagitan ng isang matagalan at bukas na pakikibaka ng masa na naglalayon na bakbakin muna ang mga kuta o depensa nitong ideolohikal, pangdisiplina, at imprastraktural bago tuluyang tutukan ang marahas na sentro nito.

Naaayon dito, pinapanukala namin ang ibang landas na tinatatawag naming rebolusyonaryong demokratikong sosyalismo.

Sosyalismo dahil nilalayon naming itatag ang isang lipunan kung saang ang kagamitan sa produksyon ay kolektibong pag-aari at sama-samang pinapamahalaan ng lahat; demokratiko dahil ang nais namin ay magtayo hindi ng isang diktadura ng mga proletaryo kundi isang demokratikong pamumuno ng mga api na may kakayann na pigilan ang pagbabalik sa poder ng mga mapang-api at tinataguyod ng malayang pagpayag ng mga lahat ng napalaya; at rebolusyonaryo dahil bagamat non-violent o hindi “marahas” ang mga porma ng aming pakikibaka sa ilalim ng kasalukuyan na mga kundisyon, ang hangad namin ay di lamang mga reporma kundi ang tuluyang pagpapanday ng isang makabagong sibilisasyon.

Naniniwala kaming nangangailangan ito ng isang paraang hindi dogmatko, may iba-ibang bahagi, dinamiko, at pwedeng baguhin ayon sa umiiral na mga kalagayan. Kinakailangan, bilang panimula, halimbawa, ang paglahok sa halalan—ngunitsa bagong paraan: sa pamamagitan ng pagkampanya nang malaya at hindi nakadepende sa mga partidong liberal, ang pagproklama imbes na pagtago ng ating identidad bilang mga sosyalista, at ang pagtitimbang sa tagumpay na hindi nakadepende sa bilang ng mga botong nakuha kung ‘di sa bilang ng mga kamalayan at kaisipang napalaya.

Higit pa sa eleksyon, itatatag natin ang sarili nating mga sirkulo o network ng mga sosyalistang kooperatiba, mga himpilang panlipunan, community gardens, disaster relief channels, mga grupong kultural o pang-sports, atbp.—sa madaling sabi, kinakailangan nating buuin ang mga alternatibong institutusyon mula sa loob ng kapitalismo upang simulang palitan ang kapitalismo sa ilalim nito.

Iba-ibang paraan ngunit iisa ang layunin: hindi ang kunin ang kapangyarihan ng estado sa mapanligaw na paniniwala na posibleng maitatag ang sosyalismo sa pamamagitan ng pag-ipon ng mga reporma, kundi ang makamtan natin ang kolektibong paglaya—-ang pag-alpas ng diwa ng mga api mula sa mga tanikalanggawa ng mga mang-aapi at magbuo ng bagong pagkataong may kagustuhan at kakayananang lumahok sa mahirap at mahabang proseso ng pakikipaglaban upang mailuwal ang isang bagong sibilisasyon.

Tungo sa isang partidong kinakatawan ang hangad na pagbabago

Upang maisakatuparan ang lahat ng ito, nilalayon naming magbuo ng isang makabagong partido na ganap na naiiba ang katangian: isang sosyalistang partido na lahad at ipinamamalaki ang pagiging sosyalista, at legal o above ground ngunit radikal ang oryentasyon.

Upang maging epektibo, hinahangad naming laging nakatuntong ang partidong ito sa mga api. Dapat itong laging malaya mula sa mga elitista o naghaharing uri. Dapat lagi nitong itaguyod ang kasarinlan ng mga "social movements" o kilusang masa. Dapat rin ito ay determinadong matuto sa mga leksyon ng mga nakaraang proyektong sosyalista, wakasan ang mga gawaing nagpapahina sa kilusan, at may kapangahasang magtatag ng makabagong kutura sa loob at higit pa sa kaliwa.

Patungo sa layuning ito, pinagtibay namin ang isang Party Charter o pangunahing gabay na dokumento na naglalaman ng mga makabago at mapag-ekspiremento na mga probisyon. Para masigurong tunay na nabibigyan ng kapangyarihan ang mga ordinaryong kasapi o mga "rank-and-file members," itatalaga namin ang mga namumuno sa partido sa pamamagitan ng loterya o "sortition." Imbes na isang chairperson lang, magkakaroon kami ng tatlong pangkalahatang tagadaloy o "over-all facilitators" na limitado ang termino at maari laging mapalitan sa anumang oras. At magpapatupad kami ng mga proseso upang masigurong lahat ng uri ng dahas laban sa kababaihan at ibang aping grupo at lahat ng manipestasyong ng cisheteropatriarchy ay binabaka sa aming patrido. Ito ang makabago at mapagbago o prefigurative na pulitika na hangad naming itaguyod at isabuhay—isang partido kung saan maaari nating masilayan ang mapagpalayang lipunan nating minimithi sa pamamagitan mismo ng mga gawi nito.

Bagamat maliit pa ang aming "mass base" o konti pa ang mga kasapi namin galing sa masang api, sisikapin naming lumago higit pa sa aming gitnang-uring simula. Ngunithigit pa sa pagpapalaki, susubukan namin ang mga bagong paraan upang itatag ang kilusang masa—isang kilusan kung saan ang lahat ay kayang maging lider at kung saan ang mismong paglahok sa pakikibaka ay siya ring mismong pagkamit ng kolektibong paglaya mula sa mga sariling kinagisnan at limitasyon.

Alam namin na haharapin namin ang maraming mga hadlang na pinagdaanan din ng mga nagsisimula pa lamang at sumusubok ng mga panibagong pamamaraan. Ngunit naniniwala rin kami na ang hindi man lang pagsubok dahil sa takot na magkamali mula  sa kasalukayang kaliitan o kawalan ng karanasan, ay ang magapi nang hindi man lang lumalaban. Habang pinagdaraanan namin ang hirap ng pagtatag ng kilusang masa, magiging bukas kami lagi sa kritisismo at sisikapin naming maging isang partido na laging hinahangad ang palagiang pagbabago ng aming partido.

May mga magsasabi na hilaw pa ang sitwasyon para sa pagtatayo ng isang bagong partido, ngunit hindi na natin pwedeng ipagpaliban ang panawagan ng panahon. Reyalidad na ang pagkagunaw ng mundo sa lahat maliban sa mga may pinakamatibay ang nasisilungan. Kahit sa mga hindi nararanasan ang araw-araw na sakuna o sigwa, ang buhay ay tila isang walang-katapusang laban para lang mabuhay nang may dignidad.

Gumuguho na ang makalumang mundo at niluluwal na ang kapalit nito; nakatuntong sa mga magiting na napagtagumpayan ng mga naunang mga sosyalistang partido. Para tuluyan nang maipanganak ang mundong ito, kailangan nating itanong ang mga tanong na matagal nang hindi tinatanong at kailangan nating subukan ang mga landas na matagal nang hindi nasusubukan. Hindi matatawaran ang halaga ng nakasalalay sa ating mga kamay. Ayon nga kay Rosa Luxemburg: kaharap natin ang mundong kailangang ipagtagumpay at ang mundong kailangan lupigin.