Katarungan para kina Alano, Ledesma, at sa lahat ng biktima ng karahasan ng estado
Paminsan-minsan, hinuhubad ng estado ang maamo at kaaya-aya nitong maskara upang ipakita ang brutal at mapanupil nitong mukha. Gagawin nito ang kinakailangan upang panatilihin ang pagiging regular ng karahasan ng ugnayang sosyal sa ilalim ng kapitalismo.
Ganito mailalarawan ang mga naganap sa Toboso, Negros Occidental noong nakaraang Linggo, ika-19 ng Abril. Sa pagharap sa isang armadong kilusan na hanggang sa kasalukuyan ay bigo pa rin ang estado na tuluyang mapatahimik, naglunsad ang estado ng Pilipinas ng opensibang militar na pumatay sa 19 na indibidwal, kasama na sina Alyssa Alano na kasapi ng University of the Philippines Diliman University Student Council, at ang mamamahayag na si RJ Ledesma.
Itong hindi patas na karahasang ito rin ang naganap noong nakaraang ika-21 ng Setyembre. Sa pagharap sa mga nagpoprotesta na tumatangging magpasakop sa kung ano ang "lehitimo" o sa kung ano ang pinapayagan ng estado na uri ng protesta, pinakawalan ng kapulisan ang mapanggipit nitong aparato sa daan-daang mga minor de edad at mga nasa batang hustong gulang sa Mendiola. Marami sa kanila ang hanggang ngayon ay nagdurusa pa rin dulot ng epekto ng mga labang legal at trauma.
Ayon sa AFP, sumunod raw ang 79th Infantry Brigade sa International Humanitarian Law. Gayunpaman, kung pagbabasehan ang isang video na malayang ini-upload online ng mga mismong nakasaksi sa mga kaganapan, inilagay ng militar ang mga malapit na pamayanang sibilyan sa kapahamakan, at walang pakundangan na nagpaulan ng bala upang patayin ang 19 na tao. Hindi na kagulat-gulat sa sinuman na hindi sinusunod ng naghaharing uri ang sarili nitong mga batas, ngunit mahalaga pa rin na magsalita tungkol dito.
Kinukundena namin sa Partido Sosyalista ang pagpaslang kina Alano, Ledesma, at sa lahat ng mga biktima ng pagmamalupit ng militar sa Toboso nitong nagdaang linggo, at pinapaabot namin ang aming pakikiramay sa kanilang mga pamilya, kaibigan, at kasama.
Kasama kami ng lahat ng nananawagan ng katarungan para kina Alano, Ledesma, at sa lahat ng biktima ng panggigipit ng estado.
Nananawagan kami sa agarang pamamahagi ng lahat ng naglalakihang lupain sa Negros Occidental at sa buong bansa, kasabay ng lahat ng mga kinakailangang hakbang upang matugunan at malutas ang mga hinaing ng mga humahawak ng armas laban sa pamahalaan—mga hinaing na nakaugat sa disposesyon, karumal-dumal na pananamantala ng paggawa at upa, sa sistematikong pagpiga ng halaga at metabolismo mula sa paggawa at mula sa lupa, at sa organisadong pagpapabaya sa mga nakatira sa kabukiran, na nagkakait sa kanila ng buhay na may dignidad.
Nananawagan rin kami sa agarang paghinto ng lahat ng mga opensibang militar, ganap na pag-aalis ng militarisasyon sa Negros Occidental at sa buong bansa, at sa pagbalik sa usaping pangkapayapaan kasama ang lahat ng mga grupong kasalukuyang nasa ilalim ng agresyon ng militar, sa lalong madaling panahon.
Idinedeklara namin ang pakikiisa namin sa lahat ng mga nagpapatibay ng pangangailangan ng armadong pakikibaka sa harap ng pagmamalupit ng estado sa ilalim ng pamamayagpag ng kapitalismo.