Hindi matatapos ang korapsyon hangga’t may mga oligarko
Kasama ang Partido Sosyalista ng lahat ng walang kapantay ang panlulumo at nag-uumapaw ang galit sa antas kabulukan at kasakimang ngayon ay nakikita natin sa pamahalan. Nananawagan kami sa lahat na sumama sa amin at sa marami pang ibang mga grupo sa Luneta sa darating na ika-21 ng Setyembre na manawagan para sa tuluyang pagwawakas ng korapsyon.
Sa pananaw ng Partido Sosyalista, ang korapsyon ay di lang galing sa gawa ng mga taong sakim na nabibigyang-kapangyarihan ng mga mahihinang batas o mga pinuno. Sa halip ay nakikita namin ito bilang di-maiiwasang katangian ng uri ng lipunan na kinabibilangan natin—isang saayos ng lipunan na nakatungtong sa paghahari-harian at pananamantala ng iilan.
Hangga’t mayroong mangilan-ngilan na nabubuhay sa pamamagitan ng paghuthot mula sa yaman na nililikha ng pagsusumikap ng nakararami, at hangga’t naoobliga ng grupo na ito ang pamahalaan na ituloy ang pananaig ng ganitong kasuklam-suklam na saayos—isang pamahalaang nasa ilalim pa nga ng kanilang kontrol at pag-aari—palaging magkakaroon ng maling paggamit ng mga pondo, pananamantala ng kapangyarihan, at pagkakamal ng yamang hindi nararapat para sa kanila.
Mga kickback, suhol, tongpats: sa mga bunga ng korapsyong ito, maligayang magbulag-bulagan ang mga bilyonaryo, mga malalaking may-ari ng lupa, at ang iba pang kabilang sa naghahari-hariang uri—o minsan pa nga makibalato pa—hangga’t ginagampanan ng pamahalang pag-aari nila ang trabaho nitong busalan at panatilihin ang pagkakagapos ng mga naaapi. Korapsyon ang langis na nagpapanatiling umiikot ang gulong kapitalismo. Ito ang kabayarang pilit na sinisingil ng mga elite sa taumbayan labag sa kagustuhan nito upang mapanatili ang kawalan nang pagkakapantay-pantay ng lipunan. Hindi sintomas ng bulok na sistema ang pagpapabalik-balik nito—senyales ito na gumagana nang maayos ang sistema sa mismong paraan kung papaano nila gusto.
Ito ang dahilan kaya mula kay Janet Napoles noong 2015 hanggang kay Sarah Discaya ngayong 2025, mula kay Roberto Benedicto limang dekada na ang nakararaan hanggang kay Zaldy Co sa kasalukuyan, tila hindi mawala-wala ang korapsyon. Hindi ito dahil matagal na at parating mayroong mga masasama at tiwaling mga tao sa ating bayan, ngunit dahil nanatiling matatag at lumalago ang kabulukan ng mismong sistemang nagpapalago ng korapsyon.
Kaya naman para sa amin sa Partido Sosyalista, hindi sapat ang mas maiinam na mga batas o pagtatalaga ng mga “mabubuting” tao sa kapangyarihan upang tuluyang wakasan ang korapsyon. Ang unang-unang kailangan natin ay mabigyang kapangyarihan ang ordinaryong mamamayan upang itulak ang sarili nitong interes: isang pamamahala ng sarili na tunay na atin—hindi isang gobyerno para sa mga bilyonaryo, gaya ng gobyernong mayroon tayo ngayon. Ito lang ang paraan upang makakabuo tayong mga manggagawa ng mga institusyong taglay ang parehong lakas at kasarinlang kailangan para tuluyan nang mawala ang korapsyon sa pamahalaan.
Ibig rin sabihin nito ay hindi na maaaring manatili pang si Marcos ang Pangulo. Siya mismo ay nagpakasasa rin sa bunga ng di-maarok sa laki na nakaw na yaman. Wala sa kanya ang ni katiting na katangiang kinakailangan upang tuluyang linisin ang pamahalaan. Dagdag pa rito, Presidente siyang luklok ng mga bilyonaryo, at atas sa kanyang panatilihin ang sistemang mapanlamang na patuloy na nagbibigay-buhay sa korapsyon, kagaya ng lahat nang mga Presidente na nauna sa kanya.
Hindi rin mas mainam na palitan siya ni Sara Duterte: Hindi lang siya punong-puno ng bahid ng korapsyon, sinugo rin siya ng mga oligarko at kapareho ring buo ang katapatan sa pagpapanatili ng kasalukyang ayos ng lipunan.
Sa unang tingin, mukhang mas magandang piliin ang isang pamahalaan mula sa oposisyong liberal, maging Dilaw, Pink, o anumang ibang grupo. Ngunit malinaw ang kasaysayan: naganap ang Priority Development Assistance Fund scam o Pork Barrel scam sa ilalim ng pamumuno ng koalisyon ng Partido Liberal ni Pangulong Noynoy Aquino. Hindi rin ito kayang wakasan ng mga liberal, repormista, at mga tagapagtaguyod ng “good governance” pagkat suportado rin nila ang pamumuno ng mga oligarko. Bagama't magmartsa kami kasama ng uring manggagawang may suporta ng mga liberal at repormista, hinding-hindi kami magiging kasabwat sa pagpapanumbalik ng mga liberal na oligarko sa kapangyarihan.
Habang sinisimulan nating bumuo ng lakas mula sa ibaba, tayong mga kasapi ng proletaryo at ng iba pang mga naaaping grupo ay dapat manawagan ng mga agarang hakbang upang litisin ang lahat ng mga nagnakaw ng mga pondong naipon mula sa sarili nating pagsisikap. Maaaring maging kalakip nito ang pagbubuo ng sarili nating mga independent commissions o tribunals, na mananawagang isiwalat ang yaman ng mga politiko, o iba pang mga anyo ng aksyong magpapanagot ng mga magnanakaw.
Sa huli, ang kailangan natin upang wakasan ang korapsyon ay ang tuluyang palitan ang kasulukuyang umiiral na sistema—isang panibagong saayos na nakatungtong sa pagtutulungan imbes na sa pananamantala, sa pagkakaisa imbes na sa paghahari. Magtatagumpay lamang tayo rito kung lahat tayong mula sa naaaping uri—tayong mga manggagawa, mga pesante, kababaihan, LGBTQIA+, atbp. —ay magsasama-sama, itutulak ang kalayaan natin mula sa mga bilyonaryo, at sama-samang titindig upang tuluyang wakasan ang kasalukuyang estado ng mga bagay-bagay. Ang sama-sama nating galit at pag-asa ang magiging mitsa ng apoy na gagamitin nating bumuo ng isang bagong mundo.